top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Mahal ba natin ang Pilipinas?

BULGAR
May 2, 2021
2 min read

ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| May 2, 2021


Napakarami nang sumakop sa atin mula sa mga Kastila hanggang sa mga Amerikano at Hapon. Napakarami na ring naganap na sagupaan mula maliit hanggang sa malawakang giyera upang labanan ang mga mananakop, maipaglaban lang ang soberanya. At sa mga bawat pakikipaglaban sa mapanakop na mga dayuhan, napakahalaga ng dalawang elemento: ang tapang, talino at sakripisyo ng namumuno at ang wagas na pagmamahal ng mamamayan sa Inang Bayan.


Pamumuno at mamamayang nagmamahal sa bayan. Maaaring dumating ang mga panahong mahina ang elemento at mapipilitang pasanin ng pangalawa ang tungkuling itaguyod at ipagtanggol ang Inang Bayan. Salamat sa kabayanihan ng mga Katipunero — sa pamumuno nina Bonifacio, Mabini at iba pang kasama — napukaw ang malawakang pagmamahal ng mamamayan para sa Inang Bayan. Napakahalaga ng papel na ginampanan ng mga lider ng Katipunan at ng kilusang propaganda, ng Solidaridad sa Espana at sa mga sangay nito sa Pilipinas. Kapwa nitong napaigting ang diwa ng patriyotismo at nasyunalismo sa mamamayan.


Subalit, hindi lang dayuhan ang pasanin ng mamamayan. Nang matapos ang rebolusyong Pilipino laban sa mga Kastila, unti-unting lumabnaw ang naunang diwa ng patriyotismo at nasyunalismo sa pagsilang ng makakapangyarihan at mayayamang pamilya na humawak ng pambansa maging lokal na kapangyarihan at kayamanan. Ito ang pinagdurusahan ng kasalukuyang lipunan mula sa mga trapo at dinastiya na hindi na maihiwalay ang opisyal na kapangyarihan at tungkuling maglingkod sa personal na interes.


Ang ganitong problema ay umigting noong panahon ng pamumuno ni dating Pangulong Ferdinand Marcos at ng kanyang asawang Imelda. Ito ang nilabanan sa loob ng 21-taon mula 1965 hanggang 1986 ng mulat at nakikibakang mamamayan. Sa mga panahong iyon, kitang-kita ang pagsasanib ng dalawang elemento: pamumuno at mamamayang nagmamahal sa Inang Bayan. Mula sa patuloy na rally sa mga unibersidad at kolehiyo sa pamumuno ng mga propesor at mag-aaral; mula sa mga simbahan, seminaryo at bahay dalanginan kung saan ang pagmamahal sa Diyos at pagmamahal sa kapwa lalo na’t higit sa maralita’y lumaganap sa karaniwang mamamayan ang ibayong kamulatan at pagmamahal sa Inang Bayan. At ito ay namunga ng mapayapang rebolusyon na nagwakas sa mapang-api at korup na rehimen.


Sinabi ng Pangulo na siya ay anti-oligarch, anti-dynasty, anti-corruption, pro-poor at pro-people. Nangako siyang magdye-jetski at magtatanim ng bandera ng Pilipinas sa Spratlys Island upang ipagtanggol ang Pilipinas sa China pero hindi ito tumupad sa kanyang pangako.


Lumaganap na ang mga oligarchs — siya, sila at kanilang mga kamag-anak at kaibigan. Sa pandemya, mas mahalaga ang ekonomiya kaysa sa kalusugan at kaligtasan ng mamamayan. Dahil sa bakunang donasyon ng China, nakakahiya namang hindi sila papasukin at panatiliin sa ating teritoryo.

Nasaan na ang namumuno at mamamayang nagmamahal kay Inang Bayan?


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page