Magtiwala sa kabutihan, katotohanan, katarungan at kaligtasan ng Diyos para sa tagumpay
- BULGAR

- Feb 27, 2021
- 2 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan| February 27, 2021
Sa Roma, Italya, bandang hapon noong ika-24 ng Pebrero 1986 ay may kasama tayong dalawang pari. Sa harapan namin ang bote ng Spumante (sparkling white wine). Magto-toast kami bilang pasasalamat sa aking ika-31 kaarawan.
At nangako kaming hindi bubuksan ang Spumante hanggang hindi umaalis ang diktador. Handa kaming maghintay nang matagal. Tutal 21-taon nang naghihintay ang sambayanang Pilipino na matapos ang kalagiman ng paghahari ng diktador.
Mabuti na lang at hindi nagtagal ay narinig natin ang tinig ng kumentarista sa British Broadcasting Corporation (BBC): “And finally, the dictator has left….” Sa wakas, umalis na ang diktador. Nagsigawan kami at dali-daling binuksan ang bote ng Spumante. Nilagyan ng laman ang tatlong baso at tumahimik para magdasal, magpasalamat sa magandang araw na ‘yun, sa napakagandang regalo.
Nasa atin pa ba ang mga ipinaglaban at nakamit natin noong EDSA 1986? Makikita at mararamdaman ang sagot sa tanong na ito sa isinagawa nating Daang Krus Tungo sa Katarungan noong nakaraang ika-24 Pebrero ngayong taon. Ang gawaing penitensiyal o panalangin at sakripisyo ay isinagawa ng Parokya ng San Isidro Labrador, Barangay Pinyahan para gunitain at patuloy na hingin ang katarungan sa 12 biktima ng EJK sa Barangay Pinyahan, Quezon City kung saan matatagpuan ang ating parokya.
Dinaanan natin ang ilang daan ng Barangay Pinyahan mula harapan ng 7/11 sa East Avenue, Cor. EDSA; sa kalyeng Magalang; Malakas; V. Luna, East Avenue; NIA Road; NIA Road Extension at pabalik na naman sa kalye Malakas kung nasaan ang parokya ng San Isidro Labrador. Ang unang 12 istasyon ay inalay namin sa sumusunod na 12 biktima ng EJK sa Pinyahan: Noel Barises; Tolites dela Cruz; Jerson Gimarangan; Jeselyn Ordono; Gilbert Paala; Jonathan Burce; Kim Montero; asawa ni Kim Montero; Mikel Vililla; Allan Sumayao at Melchor Umadhay. Naghalong damdamin ng lungkot; galit at pangamba ang namayani sa mga isip at kalooban. Ngunit, nagdasal tayo, dumapa ang tatlong paring kasama, nagbuhay ng krus at tiniis ang pagod sa loob ng mahigit tatlong oras.
“Umalis na ang diktador!” Hindi natin malimutan ang mga salitang umalingawngaw sa buong mundo noong ika-25 ng Pebrero 1986. Umalis na ang diktador noon. Ngunit, ano na ang kalagayan ng ating bansa ngayon? Wala na bang kasakiman, karahasan, kasinungalingan, kaapihan at kamatayan?
Isa pang nagdulot ng labis na kalungkutan ay ang nakagugulantang na balita na pumanaw noong alas-5:59 ng umaga si Msgr. Dan Sta Maria, isa sa mga pari ng Diyosesis ng Cubao. Hindi pa tayo lubos na nakababawi sa pagkamatay ng nakasama nating Pransiskano noong nakaraang linggo, si Padre Dexter Toledo OFM, na namatay sa edad na 37, heto na naman ang nakabibigla’t napakasakit na balita tungkol kay Monsi Dan.
Kung nagsimula ang 2020 sa malulungkot na balita ng mga biglang pumanaw, mukhang hindi naiiba ang taong ito. Ngunit, malinaw ang hamon. Hindi dapat mawalan ng pag-asa at malunod na lamang sa kapighatian. Kailangan nating magtiwala at kumilos na buo ang paniniwala na sa hulihan ang kabutihan, katotohanan, katarungan at kaligtasan ng Diyos ay magtatagumpay.
Oo, sa katapusan, tiyak na aalis ang diktador.





Comments