Magsimula sa tahanan, kalinisan laban sa sakit na dulot ng tag-ulan
- BULGAR

- Jun 9
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | June 9, 2025

Ngayong nagsisimula na ang pagbuhos ng malalakas na ulan, kasabay nito ang pagtaas ng panganib mula sa iba’t ibang uri ng sakit.
Kaya naman pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang mga mamamayan na maging mas maingat sa mga karaniwang sakit na kumakalat kapag ganitong panahon — lalo na ang dengue, dahil ito ang isa sa mga pangunahing banta tuwing tag-ulan.
Ayon sa DOH, ang dengue ay dulot ng kagat ng lamok na nangingitlog mula sa nakatiwangwang na tubig o stagnant water. Ang mga sintomas nito ay ang mataas na lagnat, matinding pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan at kasu-kasuan, pagduduwal, at mga pantal. Ang isang indibidwal na may dengue ay maaaring makaranas ng sintomas ng apat hanggang 10 araw matapos na makagat ng lamok.
Batay pa sa ulat, tumaas ng 240 porsyento ang kaso nito sa Metro Manila sa unang tatlong buwan ng 2025.
Bukod sa dengue, nagbabala rin ang kagawaran ukol sa iba pang sakit gaya ng diarrhea, typhoid fever, hepatitis, trangkaso o may kaugnayan sa mga water-and foot-borne diseases, influenza-like illnesses, at leptospirosis. Ang mga ito ay karaniwang nanggagaling sa kontaminadong tubig, pagkaing hindi ligtas kainin, at paglusong sa baha.
Upang mapigilan ang pagdami ng kaso ng mga sakit, muling pinapaalala ng DOH ang “4T strategy”, (Taob, Taktak, Tuyo, Takip) — mga simpleng hakbang na maaaring gawin sa bawat tahanan para maiwasan na may pamumugaran ang mga lamok. Gayundin, plano ng kagawaran ang integrated vector control initiative na layong paigtingin ang mga hakbang kontra dengue sa mga komunidad.
Ang pagkakaroon ng magandang kalusugan ay hindi lamang obligasyon ng gobyerno bagkus tungkulin ito ng bawat isa sa atin.
Sa gitna ng pagbabago ng klima o pabago-bagong panahon, huwag pabaya, mahalagang maging mas responsableng mamamayan. Ang simpleng paglinis ng paligid, pag-iwas sa baha, at maagap na pagpapakonsulta sa mga doktor kapag nakaramdam agad ng sintomas ng sakit, ay mga hakbang na makabubuti at maaaring makapagligtas pa ng buhay.
Kailangan din nating maging proactive na miyembro ng ating komunidad at barangay upang maagapan ang pagkalat ng mga sakit. Alalahanin nating mahirap magkasakit kaya importanteng pangalagaan ang ating kalusugan. Sa panahong ang ulan ay may dalang panganib, ang pagiging alerto ay siya nating maaaring sandata.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments