Magsasama sa MMFF entry... VIC AT VICE, NAGYAKAPAN NANG MAGKITA
- BULGAR

- 6 hours ago
- 3 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | July 6, 2026

Photo: File
Opisyal nang kumpirmado ang pinakahihintay na pagsasama ng dalawang pinakamalalaking comedy icons ng bansa, ang Unkabogable Star na si Vice Ganda at si Bossing Vic Sotto sa kauna-unahang pagkakataon sa big screen sa pelikulang The Greatest Showdown (TGS).
Kahapon, nasaksihan ang unang pagkikita nina Vice at Bossing Vic sa Cubao kung saan masaya pa silang nagyakapan.
Ang pelikula ay ididirek ng multi-awarded filmmaker na si Jun Robles Lana at itinuturing na isa sa pinakamalalaking collaborations sa Philippine entertainment dahil pinagsama nito ang ilan sa pinakamalalaking production companies sa bansa: ABS-CBN Studios, Star Cinema, The IdeaFirst Company, M-Zet Productions, at APT Entertainment.

Matagal nang usap-usapan ang posibilidad na magsama sa isang proyekto sina Vice at Vic, lalo na’t pareho silang kinikilalang ‘box-office kings’ ng kani-kanilang henerasyon sa Metro Manila Film Festival (MMFF). Ngayon, tuluyan nang matutupad ang dream collaboration na matagal nang hinihiling ng maraming fans.
Mas lalong naging exciting ang proyekto matapos ang naging palitan nila ng pagbati sa kani-kanilang noontime shows noong nakaraan. Sa episode ng It’s Showtime (IS) noong Sabado, ibinahagi ni Vice na nagkausap na sila ni Vic matapos itong bumati sa kanya sa Eat…Bulaga! (EB!).
“Binati ko si Bossing kahapon. Binati n’ya rin ako sa Eat Bulaga. Sabi n’ya sa akin, mag-uusap daw kami nang masinsinan,” ani Vice.
Sabay biro pa niya, “Bossing, pasensiya na, busy ako today.”
Sa pagsasanib-puwersa ng dalawang comedy legends at ng powerhouse production companies, inaasahang magiging isa ang The Greatest Showdown sa pinakamalaking local film events sa oras na ipalabas ito.
Bagama’t hindi pa inilalabas ang buong detalye ng kuwento at iba pang cast members, mataas na agad ang excitement ng publiko para sa makasaysayang collaboration na ito.
Aktor, tinanong kung pakakasalan siya…
VIDEO NG LAMBINGAN NINA JERIC AT 51-ANYOS NA PRODU, KUMALAT
PINAGPIYESTAHAN at umani ng batikos ang nag-viral kamakailan sa TikTok na video reels ng Kapuso actor na si Jeric Gonzales habang nakaupong kumakanta sa videoke at niyakap ng isang may-edad nang babae, na nakilalang ang producer niya sa pelikulang Depresyon na si Ms. Sucil Nipa ng A & S Productions.
Sa naturang video, makikitang super close sila ng lady producer, kung saan mula sa likuran ni Jeric, ipinatong pa ni Ms. Sucil ang mga kamay sa balikat ng aktor at tipong niyakap ito at idinikit ang mukha sa pisngi ni Jeric.
Nag-viral ang video at pinag-isipang si Ms. Sucil na ang kapalit ni Rabiya Mateo sa puso ni Jeric.
Umani ito ng negative comments dahil malaki ang agwat ni Ms. Sucil, na magpi-51 yrs. old na, kay Jeric na 33-anyos pa lang.
Sa pamamagitan ng common friend naming si Rein Escaño, nahingi namin ang paliwanag ng lady producer tungkol sa nag-viral na video.
Inamin ni Ms. Sucil na close sila ni Jeric dahil may ginagawa nga itong pelikula ngayon sa kanyang produksiyon, ang Depresyon. At bilang producer, mahal naman daw talaga niya ang mga artista niya. Malambing din daw siya sa mga ito, pero binigyan daw ng ibang kahulugan ng mga taong hindi sila kilala nang personal.
Paliwanag pa niya, kuha ang video nang minsang magpunta si Jeric du’n sa pawnshop na pag-aari niya kung saan habang nagkakatuwaan nga raw sila ng ilang kasama, dumating ito at nakipag-inuman-videoke na sa kanila.
Aniya pa, ipinagprodyus niya ng movie si Jeric dahil naniniwala siyang magaling itong aktor at mabait na bata kaya binigyan niya ng chance para magka-project.
Ganu’n din naman daw si Ms. Sucil sa kanyang ibang talents like Jeric Raval at Jay Manalo, pero bakit daw kay Jeric Gonzales lang siya inili-link ngayon?
Aminado ang lady producer na naalarma talaga siya nang kumalat ang video at hindi raw niya alam kung sino ang naglabas o nagkalat nito. Nagalit nga raw ang pamilya niya dahil dating tahimik ang buhay nila at private person sila, pero ngayon ay nakakaladkad sa intriga.
Mga propesyonal pa naman daw ang mga anak ng lady producer na isa ring successful businesswoman.
Pero medyo na-trauma man, willing pa rin naman daw si Ms. Sucil na magprodyus pa uli ng mga pelikula para makatulong sa movie industry at sa mga walang trabahong artista.
At kahit naiintriga, hindi naman daw nagbago ang friendship nina Ms. Sucil at Jeric at tuloy pa rin ang movie ng aktor na Depresyon.
Samantala, matapos naming ilabas ang aming video interview kay Ms. Sucil sa Facebook reels, may nagpadala sa amin ng video clip through FB messenger kung saan sa same videoke bonding ng lady produ at ni Jeric ay maririnig na tinanong ni Ms. Sucil ang aktor ng “Pakakasalan mo ba ako?” na sinagot ni Jeric ng “Darating tayo d'yan.”
Habang isinusulat namin ito ay hindi pa namin nakukuha uli ang pahayag ni Ms. Sucil Nipa tungkol sa bagong video na ipinadala sa amin.





Comments