Magpapabuntis uli bago mag-40-anyos… MAJA, 2 LANG ANG GUSTONG MAGING ANAK
- BULGAR
- 3 hours ago
- 4 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | May 24, 20255
Photo: via Bulgar
Business-minded na talaga ang aktres na si Maja Salvador dahil bukod sa talent management agency na itinayo nila ng kanyang mister na si Rambo Nuñez, may bago na namang pinasok at sinimulang negosyo ang couple.
Actually, ayon kay Maja, 4 yrs. ago pa niya naisip ang negosyong skincare, pero mas na-inspire lang siya ngayong simulan na ito dahil sa suporta ni Rambo at ng kanilang ninang sa kasal na si Ms. Rhea Anicoche-Tan na CEO ng pinakasikat ngayong skincare company, ang Beautederm Corporation.
Kaya kahapon, May 23, pormal nang ini-launch sa Incanta Cave Bar ang Majeskin na partnership ng mag-asawang Maja at Rambo with their Ninang Rei.
Nilinaw naman ni Ms. Rei na bagama’t skincare rin ang linya ng bagong negosyo nila nina Maja at Rambo, hindi ito direct competitor ng Beautederm kundi sister company.
Sa ngayon ay Majeskin Body Lotion, Body Scrub at Body Wash pa lang ang ino-offer nina Maja, Rambo at Ma’m Rei sa Reigning Majesty Corporation, pero for sure, magkakaroon pa ito ng mga kasunod na products.
Samantala, dahil busy pa sina Maja at Rambo sa bago nilang ‘baby’, ang Majeskin, wala raw muna sa plano nila na sundan ang panganay nilang si Maria.
Thirty-seven years old na ngayon si Maja, pero pramis niya, bago mag-40-anyos, saka na sila gagawa ng Baby No. 2 ni Rambo at napagkasunduan daw nila na okay na sila sa dalawang anak lang dahil mahirap ang buhay.
Anyway, si Maja na rin ang face at endorser ng Majeskin dahil talagang nag-i-invest daw siya sa pag-aalaga sa kanyang balat. No wonder, hindi man mestiza, ang kinis ni Maja mula ulo hanggang paa.
Kung may Majeskin kasi siya for her body, meron naman siyang Beautederm Blanc set para sa kanyang facial care.
Bongga!
Shocked sa P1.4 B inaakusa sa kanya sa OWWA…
“WALA PO AKONG KINITA RITO” — ARNELL
NAGSALITA na ang sinibak na Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) administrator na si Arnell Ignacio sa press conference na ginanap kahapon, May 23.
Panimula ni Arnell, humihingi siya ng paumanhin sa mga OFWs na hindi siya agad nakapagsalita at nakapagpaliwanag matapos pumutok ang akusasyon sa kanyang ilegal na paggamit sa P1.4 bilyong pondo ng OWWA para bumili ng lupa.
Ani Arnell, ikina-shocked niya ang akusasyon sa kanya dahil maayos ang naging transition sa pag-alis niya sa OWWA.
Gulat na gulat din siya na tinawag na “anomalya” ang P1.4 B ibinili ng lupa na katapat ng NAIA Terminal 1 para maging “paraiso” raw ng mga OFWs.
Ayon kay Arnell, taong 2018 pa isinulong ang proyektong ito kung saan deputy administrator pa lang siya.
Dumaan daw sa tamang proseso ang proyekto kung saan napag-usapan pa sa Senado nang siya ay umapela kung paano magkakaroon ng flexibility sa funds.
“We’ve worked with the DBM (Dept. of Budget and Management) na nagbigay sa amin ng guidelines kung paano magkakaroon ng modification sa funds namin,” aniya.
Sinunod daw nila ang lahat ng requirements at nakapasa naman. Dinala rin daw nila ito sa OWWA board at binusisi ng technical working group na binuo ni Chairman Sec. Hans Cacdac.
Kaya ang mensahe pa ni Arnell, “To the OFWs I’ve been serving, hindi ko kayo pinagtaksilan. Ginawa ko lang ito para sa inyong pagmamahal at wala po akong kinita rito.”
Idiniin din niyang Landbank ang nag-assess ng budget ng project kaya takang-taka raw talaga siya kung saan nanggaling ang ibinubutas ngayon sa kanya para sibakin sa OWWA.
Well, tulad ng inaasahan namin, alam naming hindi basta-basta mananahimik lang si Arnell Ignacio habang dinudurog ang kanyang pangalan at pagkatao.
Noranians, todo-diin na National Artist si Nora…
SIGAW NG VILMANIANS: VILMA, NATIONAL TREASURE!
NAWALA man ang Superstar na si Nora Aunor, buhay na buhay pa rin ang rivalry nila ng Star for All Seasons na si Ms. Vilma Santos-Recto.
In fact, sa tribute movie para kay Ate Guy, ang Faney na ipinalabas sa mismong birthday niya last May 21 at produced by Frontrow International, Intele Builders, Noble Wolf and AQ Films, agaw-pansin ang mga eksenang pag-aaway ng mga Noranians at Vilmanians na parehong ayaw magpatalo at todo-puri sa kani-kanilang idolo.
Tumatak nga sa mga nanood ‘yung linya ng isang Noranian na “Hindi naman National Artist ang idol mo!” na of course, ang tinutukoy ay si Ate Vi.
Paglilinaw naman ng isa sa mga producers na si RS Francisco ng Frontrow, walang pamemersonal kaya nila ginamit sa movie ang rivalry ng Noranians at Vilmanians dahil ‘yun naman ang reality. Hindi raw makukumpleto ang kuwento ng buhay ni Ate Guy kung wala si Ate Vi.
Iningatan din daw nila ang mga eksena at dialogues sa movie para walang ma-offend.
Dagdag naman ni Direk Adolf Alix, Jr., katotohanan lang ang inilabas nila sa Faney na “Hindi National Artist” si Vilma Santos dahil si Nora lang naman daw talaga ang National Artist.
Naku, ewan lang kung nakarating na ‘yan sa mga Vilmanians dahil may nabasa naman kaming post sa Facebook ng ilang maka-Ate Vi na nagsabing hindi man National Artist ang Star for All Seasons, “National Treasure” naman daw ito.
Oh, devah? May pantapat talaga! Hahaha!
Anyway, maganda ang pagkakabuo ng kuwento ng Faney na tungkol sa isang lola na diehard fan ni Nora Aunor, na handang iwan ang pamilya para lang sa kanyang idolo.
Ang huhusay din ng mga nagsiganap dito na sina Direk Laurice Guillen, Direk Gina Alajar, Althea Ablan, Roderick Paulate (walang kupas!!!), Bembol Rocco, Henry Chavarria, Ms. Perla Bautista, Bilib boy group, at maging ang ilang Noranians na extra lang sa movie pero acting na acting din.
Marami na nga ang nagtatanong kung saan ba mapapanood ang Faney, pero ayon kay RS Francisco, pinag-iisipan at pinag-aaralan pa nila, though mas matimbang daw na ipalabas ito internationally dahil marami ring Noranians abroad ang nag-aabang at gustong mapanood ang Faney.
Comments