Magpapabayang hotel sa mga naka-quarantine, mananagot
ni Ryan Sison - @Boses | December 03, 2021
Nagbigay-babala si Cabinet Secretary at acting presidential spokesperson Karlo Nograles na may parusa sa mga hotels na papayag na mas maikli ang araw na ilagi sa kanila ng mga naka-quarantine.
Ito ay kasabay ng pagpapaigting sa mga protocols tungkol sa mga biyaherong dumarating sa Pilipinas mula sa Green List at Yellow List countries.
Paglilinaw ng opisyal, ang mga mapatutunayang nandaraya sa haba ng araw na dapat ilagi sa quarantine facility ay may parusa.
Bagama’t may mga naririnig itong balita tungkol sa mga naka-quarantine na pinapayagan ng mga hotel na makalabas nang maaga, wala pa naman aniya silang nahuhuli.
Gayundin, ipinaliwanag nitong magkapareho lamang ang sinusunod na protocols ng mga biyahero na nanggagaling sa Green at Yellow List countries, kung saan dapat sumailalim muna sa RT-PCR test sa loob ng 72-oras bago bumiyahe patungong Pilipinas at sasailalim sa facility-based quarantine pagsapit ng ikatlong araw.
Ang mga dumating sa bansa na walang RT-PCR test bago bumiyahe ay mananatili sa quarantine facility nang mas mahabang araw kung saan isinasagawa ang RT-PCR test sa ika-limang araw.
Ngayong nag-iingat tayo laban sa panibagong variant ng COVID-19, dapat lang managot ang mga magpapabayang hotel. Ito ay upang madala at hindi na tularan pa ng iba.
Malaking hakbang ang pagku-quarantine ng mga dumarating sa bansa, lalo pa’t dito matutukoy kung positibo siya sa sakit o carrier ng ibang variant.
Para naman sa mga naka-quarantine, ‘wag kayong pasaway. ‘Pag sinabing bawal lumabas, ‘wag nang ipilit. Bagama’t nauunawaan natin ang pagkasabik n’yo sa inyong pamilya, tiis-tiis muna.
Tandaan na ang lahat ng ginagawang ito ay pag-iingat upang mabawasan ang hawahan at walang makapasok na panibagong variant.
Hiling natin ang kooperasyon ng lahat para sa kaligtasan ng bawat isa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments