Magpapa-decorate raw ng bahay… BEA, UMAASANG KASAMA ANG PAMILYA NI VINCENT SA PASKO

ni Erlinda Rapadas @Teka Nga | November 9, 2026

Photo: Bea Alonzo - IG
Excited na si Bea Alonzo sa papalapit na Pasko dahil magkasama sila ng kanyang mister na si Vincent Co. Plano niyang magpa-decorate sa kanilang tinitirhan upang ganap na ma-feel ang spirit of Christmas.
Looking forward din ang aktres na makasama ang pamilya ng mister. Ngayong taon ay first time na hindi siya magbabakasyon abroad pagkatapos ng Pasko.
Dati-rati, nakaugalian na ng kanyang pamilya na sama-sama sila tuwing Pasko at Bagong Taon. Regalo na rin niya sa kanyang sarili ang bakasyon abroad para makapagpahinga at mag-recharge. Wala siyang tinatanggap na trabaho kapag holiday season.
Pero ngayong taon, nabago ang lahat dahil nadagdag na sa kanilang pamilya si Vincent. Mas masaya na ang kanyang Pasko dahil kasal na siya sa kanyang the one.
Nagpalipat-lipat ng bahay, nawawala na ang iba… 20 NA LANG SA 100 PLUS TROPHIES NI NORA ANG NATIRA
AYON sa TV host na si Butch Francisco, nanghihinayang siya dahil halos konti na lang ang natitira sa mahigit isang daang trophies ng Superstar at National Artist na si Nora Aunor.
Maganda raw sana kung mailagay sa kanyang museum ang lahat ng napanalunang acting awards ni Guy mula sa mga award-giving bodies tulad ng Gawad Urian, Film Academy of the Philippines (FAP), Philippine Movie Press Club (PMPC) Star Awards, Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS), atbp..
Sa Gawad Urian ay 7 Best Actress awards ang naiuwi ni Nora. Binigyan din siya ng 3 Best Actress of the Decade ng naturang award-giving body. Sa Film Academy of the Philippines (FAP) naman, tatlong magkakasunod na taon siyang nanalo ng Best Actress. Samantala, sa Metro Manila Film Festival (MMFF) ay 8 Best Actress trophies ang kanyang naiuwi.
Sa ngayon, sa pagkakaalam ni Butch Francisco, 20 trophies na lang ang natitira at nasa pangangalaga ng pamilya ng Superstar. Hinahanap at ipinagtatanong pa sa mga taong dating nakasama nito kung saan napunta ang iba pa niyang tropeo.
Ilang beses nang nagpalipat-lipat ng bahay si Nora. Maaaring ito ang dahilan kaya nawala ang ilan sa kanyang mga awards. Maging ang collection niya noon ng mga paintings na milyones na ang halaga ay wala na rin.
NANG mapanood ng mga taga-Paete, Laguna ang isa sa mga itinampok na istorya sa programang Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS): Gabi ng Lagim na Halloween special, nagkaroon ito ng negative feedback.
Sa kuwento ng Ukit, na isa sa main stories, medyo na-offend daw ang karamihan sa mga woodcarvers. Tinalakay kasi rito ang kakaibang bad experience ng band guitarist na si Nathan Reyes, na binigyan daw ng regalong ukit ng La Pietà nang mag-perform ang kanilang banda sa isang fiesta sa Laguna noong 2024.
Simula raw nang iuwi niya ito sa bahay, kung anu-ano na ang nagpaparamdam sa kanya. Madalas din siyang binabangungot, gayundin ang kasama niyang si Jovi.
Pinabendisyunan daw nila ang nasabing sculpture, pero hindi pa rin tumitigil ang panggugulo sa kanila. Pinayuhan din sila ng isang paring nagsasagawa ng exorcism na sunugin ang La Pietà.
Binisita rin sila ng magaling na psychic-card reader na si Jay Costura. Sinabi nito na nasa bahay pa rin ni Nathan ang mga bad spirits.
Ang La Pietà ay inukit ng sikat at beteranong woodcarver ng Paete na si Pio Fadul. Respetado siya ng kanyang mga kababayan at ngayon lang may kakaibang nangyari sa kanyang likhang-ukit.
Kaya todo-depensa kay Pio ang mga kalugar niya dahil makaaapekto raw sa kanilang wood carving industry ang pagkakatampok sa kuwento.
Samantala, nagpaliwanag na si Ms. Jessica Soho na hindi nila intensiyong siraan ang mga woodcarvers ng Paete. Humingi rin siya ng paumanhin sa mga residente.
May mga netizens namang nagtatanong kung bakit ang programang KMJS ang sisisihin, gayung ang gitaristang si Nathan mismo ang nagkuwento ng kanyang mga karanasan mula nang iuwi niya ang ukit ng La Pietà.





Comments