top of page
Search
  • BULGAR

Magpabakuna na para muling guminhawa ang buhay

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | June 23, 2021



Habang patuloy ang paglaban sa COVID-19, gusto nating himukin ang mga kababayang kasali sa priority groups na magpabakuna na sa kanilang pinakamalapit na vaccination site upang makuha ang proteksiyon na kailangan laban sa patuloy pa ring kumakalat na COVID-19 na sakit at iba’t ibang variants nito.


Kung tataas ang bilang ng pagbabakuna at patuloy na bumaba ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa mga komunidad, maaari na luwagan ang community restrictions at mas buksan pa ang ekonomiya. Kaya ang panguhaning prayoridad sa ngayon ay ang mapanatiling maayos at mabilis ang implementasyon ng vaccine rollout sa bawat sulok ng bansa, lalo na sa mga kritikal na lugar.


Hindi lingid sa ating kaalaman na mahirap makabili ng bakuna dahil nag-aagawan ang mga bansa na makakuha nito. Gayunman, patuloy na ginagawa ng gobyerno ang lahat para magarantiya na mayroon tayong sapat, ligtas, epektibo at libreng bakuna na maipapamahagi sa mga Pilipino. Kaya ni isang bakuna ay dapat hindi masayang.


Sa kasalukuyan, nakakuha na tayo ng mahigit na 14.2 milyon na vaccine doses, ayon kay National Task Force Against COVID-19 Chief Implementer and Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, Jr. Inaasahan nating aabot sa four million doses pa ang darating ngayong buwan at mahigit 149 milyong doses mula sa iba’t ibang sources bago matapos ang taon tungo sa pagkakaroon ng herd immunity.


Nalampasan na rin ang eight-million mark at pumapangalawa na ang Pilipinas sa Southeast Asian region para sa kabuuang bilang ng mga bakunang naiturok. Dagdag sa mga nabili natin, nagpaabot na rin ng intensiyon ang iilang bansa at ang COVAX Facility na magbibigay sila ng karagdagang supplies.


Para walang masayang na oras at bakuna, nakikiusap tayo sa mga Local Chief Executives na siguraduhing makatatanggap ng oportunidad para makapagbakuna ang mga kababayan nating nakatira sa malalayo at liblib na lugar at iyung mga hirap lumabas ng bahay, tulad ng senior citizens at persons with disabilities.


Paigtingin pa ang vaccine rollout at suyurin ang mga pamamahay ng mga hindi makapunta sa vaccination sites upang masigurong mabigyan sila ng proteksiyon laban sa sakit at walang maiiwan tungo sa muling pagbangon ng ating bansa.


Huwag pabayaan ‘yung mga walang masyadong access sa impormasyon, hindi alam kung ano ang bakunang ito. Iparating sa kanila na ang bakuna ang pinakamabisang paraan upang malampasan ang pandemyang ito.


Bilang mamamayan, ang bawat isa ay may tungkuling dapat gampanan para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19. Pangunahin ang pagbabakuna upang maiwasang magkaroon ng malubhang sakit na makakadagdag pa sa pasakit ng ating health system.


Patuloy ding sundin ang mga panuntunan ng gobyerno, tulad ng pag-iwas sa paglabas ng bahay kung hindi kinakailangan, pag-obserba ng social distancing, pagsuot ng facemask at face shield, paghugas ng mga kamay at pagpapanatiling malinis at ligtas ang ating kapaligiran.


Hindi ito kaya ng mag-isa ng gobyerno. Hindi rin kakayanin ng medical frontliners kung patuloy na darami ang bilang ng mga kailangan dalhin sa ospital.


Importante ang kooperasyon dahil lahat ng desisyon ng gobyerno ay base sa pag-aaral at siyensiya upang balansehin ang interes at kapakanan ng bawat Pilipino.


Bayanihan, malasakit at walang tigil na serbisyo — ‘yan ang kailangan upang malampasan ang pandemya.


Magpabakuna na’t huwag nang mag-alinlangan pa para mas mabilis tayong makabangon bilang nagkakaisang bansa!

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page