Magnitude Eight, malaki ang tsansa
Updated: Nov 7, 2021
ni Green Lantern - @Renda at Latigo | November 5, 2021
Tiyak na pahirapan sa pagpili ng tatayaan ang mga karerista sa Condition Race (23) na ilalarga sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas ngayong araw.
Anim na kabayo lang ang naka-line-up pero ayon sa mga kareristang tataya ng winner take all ay hindi sila magsi-single sa event na may distansyang 1,200 meter race.
Ang mga kalahok sa karera na suportado ng Philippine Racing Commission, (PHILRACOM) ay sina Sir Jason, Tontoneeto, Magnitude Eight, Batang Heroes, Baling Rikit at Hannah Rosa.
"Tingin ko magiging liyamado si Magnitude Eight, pero baka magtatlo ako para malaki ang tsansa na maka-puntos," saad ni Jovert De Jesus, karerista.
Rerendahan ni jockey RO Niu si Magnitude Eight habang si veteran rider Jeffrey Bacaycay ang sasakay kay Batang Heroes na para sa ibang karerista ay malaki rin ang pag-asang manalo.
Samantala, markado sa mga liyamadista ang Wish Afan A Star sa Philippine Rating Based Handicapping System na pakakawalan sa Race 6.
Gagabayan ni star jockey Jeffril Zarate, mapapalaban si Wish Afan A Star kontra apat na tigasing kalahok sa distansyang 1,400 meter race.
Naniniwala ang ibang mga karerista na posibleng maging mahigpit na karibal ni Wish Afan A Star ay sina Vivid Pink at Cat Bell sa event na inisponsoran ng PHILRACOM.
Ang ibang kalahok ay sina Prettiest Star at Sooner Time.
Bukod sa nabanggit na karera, tiyak na aabangan din ng mga karerista ang mga carry over sa Pentafecta at Super 6. May carry over na P10,340.86 sa pentafecta na ilalarga sa Race 1 habang sa Race 3 ang carry over naman na P9,857.64 sa super 6.
Paniguradong pag-aaralan ng mga karerista ang mga pipiliin na kabayo upang matumbok ang mga carry over.





Comments