top of page
BIDA - ALEX EALA, MAY MGA BASHERS NA FOREIGNER-IG _alex.eala.jpg

Magna Carta of Barangay Health Workers, aprubado na sa Senado

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 4 hours ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | August 4, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Aprubado na ng Senado sa huli at ikatlong pagbasa ang Magna Carta of Barangay Health Workers, isang panukalang batas na layong itaguyod ang kapakanan ng mga barangay health workers (BHWs) na nagsisilbing frontliners sa paghahatid ng serbisyong pangkalusugan sa ating mga komunidad.


Bilang isa sa mga may akda at co-sponsor ng panukalang batas na ito, nakikiisa ako sa pagkilala sa mahalagang papel ng ating mga BHWs: sila ang unang naghahatid ng mga pangunahing serbisyong pangkalusugan sa ating mga komunidad.


Pinapaigting din nila ang kaalaman ng mga miyembro ng komunidad pagdating sa pag-iwas at pangangalaga sa iba’t ibang sakit. Kinikilala natin ang kanilang kontribusyon upang gawing organisado ang ating mga komunidad, pati na rin sa pagkalap at pagsasaayos ng datos sa kalusugan ng ating mga kababayan.


Noong una nating inihain ang panukalang batas na ito, binigyang-diin ng inyong lingkod na hindi tumutugma ang responsibilidad ng mga BHWs sa mga benepisyo at proteksyong nakasaad sa Barangay Health Workers' Benefits and Incentives Act of 1995 (Republic Act No. 7883).


Kaya naman isinulong natin ang batas na ito upang matiyak nating matatanggap ng ating mga BHWs ang kaukulang mga benepisyo at proteksyon na naaayon sa iba’t ibang papel na kanilang ginagampanan. Sa ilalim ng panukalang ating inaprubahan, magiging bahagi na ng plantilla ng gobyerno ang mga posisyon ng BHWs na may kaukulang salary grade.


Nakatakda rin sa inaprubahan nating panukala ang mga benepisyong matatanggap ng mga volunteer BHWs, kabilang dito ang buwanang benepisyo na hindi bababa sa P3,000, transportation allowance o expense reimbursement, subsistence allowance, hazard allowance, at iba pa.


Nakasaad din sa panukalang batas na makakatanggap na rin ang ating mga BHWs ng insurance coverage, libreng serbisyong legal, mga serbisyo para sa mental health, at psychosocial support.


Upang isulong naman ang kanilang professional development at iangat ang kanilang kakayahan, magiging mandato ng batas ang pagkakaroon ng competency-based education at curriculum.


Umaasa ang inyong lingkod na magiging batas na ang panukalang ito sa lalong madaling panahon. Sa pagtataguyod natin ng kapakanan ng ating mga BHWs, isinusulong din natin ang kalusugan ng ating mga komunidad.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page