top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Maging parte ng solusyon laban sa COVID-19 at iba pang krisis na ating hinaharap

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 12, 2022
4 min read

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | January 12, 2022



Noong nagdaang mga araw, naging tuluy-tuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.


Kung ito man ay dahil mas mabilis na pagkalat ng Omicron variant o dahil sa holiday surge, batay sa mga natutunan natin sa nakaraang dalawang taon, alam natin na ang pagbabakuna at pagsunod sa mga protocols ang kailangan upang malampasan ang pagsubok na ito.


Sa tulong ng bakuna, kaya nating iwasan ang pinakamatinding epekto ng COVID-19 sa

ating mga katawan at maging pagkamatay. Kaya naman, hinihiling natin na huwag nang mag-alinlangan pa at magpabakuna na. Libre naman ito. Mas delikado hindi lamang sa atin, kundi sa ating mga mahal sa buhay kapag wala tayong bakuna na nagsisilbing proteksiyon natin laban sa COVID-19.


As of January 10, meron na tayong kabuuang 213.65 milyong doses ng bakuna laban sa COVID-19. Nakapagturok na rin tayo ng mahigit 114.26 milyong doses, kung saan merong 57.88 milyong Pilipino ang nakakuha ng unang doses at merong 52.85 milyong kababayan naman natin ang fully vaccinated na. Samantala, may mahigit 3.58 milyong booster shots ang naiturok na rin.


Maaaring tataas pa ang bilang ng mga bagong kaso sa susunod na mga araw. Kaya kritikal na magtulungan tayo, sumunod sa mga patakaran at makiisa sa vaccination drive. Sa parte naman ng gobyerno, sisiguraduhin nating maraming supply ng bakuna, lalo na sa malalayong lugar na mababa pa ang vaccination rate.


Sisiguraduhin din nating may sapat at murang supply ng mga pangunahing gamot na kinakailangan natin upang matugunan ang iba’t ibang sintomas ng COVID-19. Dapat maging accessible ito, lalo na sa mahihirap nating mga kababayan.


Kahit na nand'yan pa ang banta ng pandemya, kita naman na maraming buhay ang napoproteksiyunan dahil marami na ang bakunado at mas marami na ring pasilidad na tumutugon sa pangangailangan ng mga may sakit kumpara noong nakaraang taon.


Patunay 'yan na kung makikiisa at magtutulungan ang taumbayan at ang gobyerno, kaya nating lampasan ang mga pagsubok na ito.


Bagama’t malayo na ang ating narating at patungo na sana tayo sa muling pag-ahon mula sa krisis kung hindi lang dumating ang Omicron, huwag muna tayong magkumpiyansa. May mga hindi pa rin bakunado, marami pa ring naghihirap, at maraming sektor din ang kailangan ng tulong.


Kaya patuloy na sinisikap ng gobyerno na tugunan lahat ng ito. Kasama na rito ang pangangalaga sa kalagayan ng mga frontliners, lalo na ng mga doctor, nurses at iba pang healthcare workers.


Bilang chair ng Senate Health Committee, palagi nating isinaalang-alang ang kapakanan ng ating mga healthcare workers dahil sila ay mga tunay na bayani sa panahong ito.


Kailanman, hinding-hindi matutumbasan ng anumang halaga ng pera ang kanilang sakripisyo at panganib sa kanilang buhay.


Kaya sa budget ngayong taon, ipinaglaban nating mas lalong madagdagan ang pondo ng DOH upang mas matugunan ang mga pangangailangan, kasama na ang dagdag na health personnel. Mahigit P17 bilyon ang inilaan sa pag-hire at deploy ng health personnel sa mga probinsiya samantalang P4.3 bilyon ay inilalaan natin para sa COVID-19 Human Resource for Health Emergency Hiring.


Meron din tayong idinagdag na pondong aabot sa P51 bilyon para sa compensation at benepisyo ng ating mga healthcare workers.


Kaya panawagan natin sa awtoridad, bilisan ang hiring at deployment ng ating mga medical personnel, lalo na sa mga critical areas, kung saan marami sa mga healthcare workers ang tinamaan din ng COVID-19. Bilisan din ang pagpoproseso ng dapat matanggap nilang halaga na naaayon sa ating guidelines.


Sila ang mga sundalo sa labang ito kaya ibigay dapat natin ang lahat ng suporta na maibibigay natin sa kanila sa lalong madaling panahon. Tugunan natin ang kanilang mga hinaing at higit sa lahat, pagaanin natin ang kanilang pinapasan sa pamamagitan ng ating disiplina at pagsunod sa health protocols.


Bukod sa kasalukuyang mga pagsisikap para makontrol ang pagkalat ng virus, nananatili rin tayong nakatuon sa paghahanda ng bansa sa mga posibleng krisis na ating madadaanan sa hinaharap. Base rin sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Lunes ng gabi sa kanyang Talk to the People address, muli nating hinihikayat ang mga kapwa natin mambabatas na ipasa na natin ang panukalang magtatatag ng Department of Disaster Resilience.


Gawin nating mas akma ang ating sistema sa mga hamon ng makabagong panahon at sa mga dagdag-pangangailangan ng mamamayan, tulad ng agarang rescue, relief and rehabilitation.


Dapat, one-step ahead tayo sa gobyerno dahil hindi natin alam kung kailan magkakaroon ulit ng mga krisis at sakuna katulad ng hinaharap natin ngayon.


Hindi tayo magwawagi sa labang ito kung walang disiplina at kooperasyon mula sa lahat. Kaya magtulungan tayo. Hindi ito panahon para magsisihan. Panahon ito ng pagmamalasakit sa kapwa at pakikipagbayanihan!


Makiisa tayo sa mga hakbang ng gobyerno upang mabawasan ang ating paghihirap at maging parte tayo ng solusyon tungo sa mas komportable at ligtas na buhay para sa lahat!


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page