top of page
Search
  • BULGAR

‘Magic 12’, welcome sa Senado

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 16, 2022


Matapos ang ilang buwang hirap ng pangangampanya ng mga kandidato ay natapos na rin ang nagdaang halalan at muli ay namayani ang mga kandidatong pinili ng sambayanang Pilipino.


Nakatutuwa rin na napakarami ng naglalakihang bansa ang nagbigay ng positibong pahayag hinggil sa malinis at mapayapang halalan na ating isinagawa kung saan ay buong-buo ang kanilang suporta sa ating bagong halal na pangulo at ikalawang pangulo.


Magandang pangitain na hindi pa man nagsisimulang manungkulan ang bagong pamahalaan ay nakikipag-ugnayan na ang maraming lider sa iba’t ibang bahagi ng mundo na isang indikasyon na ngayon pa lamang ay may maayos na direksiyon tayong tinatahak.


Malaking bagay din ang pahayag ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na wala silang nakitang iregularidad o kahit katiting na bahid ng dayaan na sinusugan din ng Commission on Election (Comelec).


Ang nagdaang halalan para sa Senado ay ang ika-34 na eleksyon ng miyembro ng Senate of the Philippines para sa anim na taong termino at nakatakda silang manungkulan hanggang sa Hunyo 30, 2028.


Pasok sa tinatawag na ‘Magic 12’ sina Senador Migz Zubiri, Joel Villanueva, Win Gatchalian at Risa Hontiveros; ang mga nagbabalik Senado na sina Senador Loren Legarda, Chiz Escudero, Alan Peter Cayetano, at Jinggoy Estrada; at ang mga bagong Senador na sina Robin Padilla, Raffy Tulfo, at Mark Villar.


Halos lahat naman ng nahalal ay may malawak nang karanasan sa lehislatura, maliban sa dalawa na inaasahan nating sa malao’t-madali ay makakaagapay din sa Senado at tiyak na may mga bago at sariwang ideya na makatutulong sa bansa.


Tiyak akong magkatulungan kami sa mas marami pang programa na puwedeng isulong para sa ikauunlad pa ng bansa tulad na lamang sa teknolohiya, imprastraktura, agrikultura, edukasyon, karagdagang trabaho at marami pang iba.


Una na rito ang pagbabalangkas sa mga batas at programa na sisiguro sa ating pagbangon mula sa pandemyang hanggang ngayon ay nakakaapekto pa rin sa ating mga buhay. Kaakibat nito ang pagpapanumbalik ng sigla sa ating ekonomiya na lubhang tinamaan ng epekto ng COVID-19.


Mahalaga lalo na mapasiglang muli ang mga negosyo upang mas mabilis na maramdaman ng ating mga kababayan ang pagbuti ng kanilang pamumuhay.


Alam naman nating lahat kung paano sumadsad ang ating ekonomiya na sa tulong ng mga bagong halal na senador ay naniniwala akong aangat muli ang ekonomiya at nawa ay malampasan pa natin ang dati na nating narating.


Dahil magiging apat na kaming senador na dating artista, mas maganda ang pagkakataon na makabuo ng programa para sa pamahalaan para mabuhay at sumiglang muli ang industriya ng pelikulang Pilipino.


Alam naman nating maraming maliliit na manggagawa sa showbiz industry ang nawalan ng hanapbuhay at hanggang ngayon ay hindi pa rin tuluyang nakababawi dahil kailan lang naman muling nagbukas ang mga sinehan.


Hindi pa rin naman tayo natatapos sa banta ng COVID-19 dahil nananatiling nasa estado pa rin tayo ng pandemya at pangunahing dapat paghandaan ay kung paano palalakasin pa ang ating healthcare system na sakaling maharap muli sa tayo sa pagsubok ay kayang-kaya natin.


Sana ay maging mabunga ang bagong bumubuo ng Senado upang makapagbigay kami ng mas kapaki-pakinabang na suporta sa ating bagong pamahalaan at maging magaan para sa lahat ang minimithi nating pag-unlad.


Panalangin ko rin na sana ay maibsan muna ang pamumulitika sapagkat napakaraming kailangan gawin para sa ating bansa at makakamit lamang ang ating mga adhikain kung tayo’y magkakaisa, magtutulungan, at susuporta sa bagong pamunuan ng bansa.


Alalahanin natin na ang tagumpay ng pamunuan ay tagumpay ng bansa, at ang pagbagsak ng pamunuan ay siya ring pagbagsak ng Pilipinas.


Sa ‘Magic 12’ welcome sa Senado at sama-sama tayong paunlarin ang ating pinakamamahal na bansa. Good Luck and Congratulations!


Anak Ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page