Magbebenta ng vaccination card, 2 yrs. kulong!
- BULGAR
- Nov 16, 2021
- 2 min read
ni Ryan Sison - @Boses | November 16, 2021
Matapos gawing mandatory ang COVID-19 vaccine sa mga empleyadong nasa lugar na may sapat na suplay ng bakuna, kani-kanyang pagpapa-schedule na ang mga manggagawang dapat makapagbakuna.
Bagama’t pabor ito para sa mga negosyante bilang proteksiyon ng kanilang mga empleyado, may iba na hindi pa talaga handang magpabakuna dahil natatakot pa rin.
Gayunman, nariyan din ang pangamba na gumamit ng pekeng vaccination card para makalusot sa trabaho.
Kaugnay nito, nagbigay-babala ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na maaaring makulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon ang magbebenta ng COVID-19 vaccination cards.
Sa ilalim ng Article 172, ang sinumang mamemeke ng mga dokumento ay pagmumultahin ng hindi lalagpas sa P5, 000, bukod pa sa parusang pagkakakulong.
Binigyang-diin pa ng opisyal ng CIDG na ilegal ang pamemeke ng anumang dokumento, maging ang pag-forge ng mga vaccination cards na ibinibenta sa mga hindi pa bakunadong indibidwal.
Kamakailan, buking ang umano’y bentahan ng pekeng COVID-19 vaccination card sa Caloocan City sa halagang P2, 500 para sa mga hindi pa bakunado. At kung ikukumpara sa tunay na vaccination card ng lungsod, halos walang pagkakaiba ang hitsura ng peke, bagaman nakita sa card na tunay na vaccination site ang nakalagay, maging ang pangalan ng nurse, ngunit sobra naman ang numerong nakalagay sa cellphone number kaya hindi ito matawagan.
Sa totoo lang, nakakabahala ang ganitong mga pangyayari dahil kung ang swab test result ay napepeke, paano pa ang vaccination card? Sa totoo lang, mas madali itong magaya, lalo pa’t ipino-post ito ng ilang mga bakunado sa kanilang socmed account.
Matatandaang nang gawing mandatory ang pagpiprisinta ng negatibong swab result bago makabalik sa trabaho, nauso ang pamemeke ng naturang dokumento dahil katwiran ng mga gumamit nito, masyadong mahal ang magpa-swab at mas gugustuhin pang mameke kesa gumastos.
Kaya pakiusap sa mga kinauukulan, tutukan din ang isyung ito dahil nakakabahala. At kapag may nahuling nagbebenta at gumagamit, sampolan para hindi tularan. Kung kinakailangan ng mas mabigat na parusa, mas mabuti para madala.
Marahil, ito ay dagdag-trabaho, dapat lang nating sikapin na walang pekeng dokumento na magagamit dahil para ito sa kaligtasan ng lahat.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments