top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Magandang epekto ng COVID-19 vaccine, unti-unti nang nakikita

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 26, 2021
  • 2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | November 26, 2021



Habang patuloy ang national vaccination program kontra COVID-19, inanunsiyo ng World Health Organization (WHO) na nabawasan nang hanggang 40% ang insidente ng hawahan dahil sa COVID-19 vaccines.


Kasabay nito, nagbigay-babala ang WHO sa maling paniniwala sa bakuna. Paalala ng opisyal ng WHO, bagama’t fully vaccinated, kailangan pa rin ang ibayong pag-iingat upang hindi mahawa o makahawa kung taglay ang nakamamatay na sakit.


Dagdag pa nito, mali ang pag-iisip na kung fully vaccinated ay hindi na tatamaan ng COVID-19.


Samantala, bago aniya ang pagsulpot ng Delta variant ay 60% ang nabawas sa kaso ng hawahan ng sakit.


Bagama’t milyun-milyong Pilipino na ang bakunado kontra COVID, marami-rami pa rin ang nananatiling walang bakuna. Marahil, nagdadalawang-isip o napangungunahan pa ng takot dahil sa mga maling paniniwala.


Sa totoo lang, ito talaga ang resulta na nais nating makuha mula sa vaccination program ng pamahalaan — ang mapabagal ang hawahan at maiwasan ang malalang epekto ng sakit.


Hindi pa man tuluyang nawawala ang virus, mabuti nang may proteksiyon ang mamamayan, lalo pa’t unti-unti nang niluluwagan ang quarantine restrictions sa iba’t ibang bahagi ng bansa.


Kumbaga, malaking tulong sa ekonomiya, gayundin sa isa’t isa dahil protektado ang mga manggagawa at kanilang mga pamilya.


Samantala, patuloy na inaanyayahan ang publiko na magpabakuna sa gagawing “Bayanihan Bakunahan” sa Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.


Layon ng programa na mabakunahan ang 15 milyong katao sa 16 rehiyon sa bansa.


Habang patuloy ang vaccination program at pagbaba ng naitatalang daily COVID-19 cases, hangad nating mas marami pa tayong kababayan na mabakunahan laban sa COVID-19.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page