Maganda raw ang pamilya niya ngayon… JESSY, FEELING BLESSED MATAPOS I-BASH NA INAGAW SI LUIS KAY ANGEL
- BULGAR

- Jul 16, 2025
- 3 min read
Updated: Jul 17, 2025
ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | July 16, 2025
Photo: Jessy Mendiola - IG
Hanggang ngayon ay naaalala pa rin ni Jessy Mendiola ang mabigat na isyung pinagdaanan niya sa kanyang buhay at ito ay nang akusahan siyang third party noon.
Sa panayam kasi kay Jessy sa vlog ni Ogie Diaz ay natanong ang aktres kung ano’ng fake news ang gusto niyang linawin.
“Na third party ako,” agad na sagot ng aktres.
Tinanong ni Ogie kung saan siya naging third party at hindi na nagdetalye pa si Jessy.
“Hindi, ayoko kasi ring maungkat pa kasi alam naman natin na hindi totoo and kumbaga, masaya na tayong lahat. Pero ‘yun lang ‘yung gusto kong ano... ‘yung fake news na ‘yun.
“Sinagot ko na rin before and the sad thing about that also was kahit sinagot ko na s’ya nang paulit-ulit before at the height of that issue, hindi ako pinapaniwalaan ng mga tao,” pahayag ng aktres.
Bagama’t hindi na nagbigay ng pangalan si Jessy, hindi naman lingid sa marami na pinagbintangan siya talagang third party at siyang naging dahilan ng paghihiwalay ni Angel Locsin at ng mister na niya ngayong si Luis Manzano.
Ilang beses na rin naman niyang nilinaw noon na hindi siya ang cause ng breakup dahil pumasok daw siya sa buhay ni Luis matapos ang breakup nito with Angel.
Sey pa ni Jessy kay Ogie, “Ang hirap din, kasi you know, kahit ano pang sabihin mo, kung ano ang tingin ng tao ay tama para sa kanila at totoo para sa kanila, ‘yun ang papaniwalaan nila, kahit ano’ng pangkukumbinse ang gawin mo, kahit ‘yun naman talaga ‘yung totoo,” aniya.
Pero kalaunan ay hinayaan na lang daw niya ang issue na kusa na rin namang namatay.
“So, ini-let go ko na rin ‘yun. Sabi ko nga kay Lord nu’n, ‘Sige, Lord, sabihin lang nila kahit ano’ng gusto nilang sabihin tungkol sa ‘kin, basta alam ko, ire-reward mo rin ako when the
right time comes.’
“So, true enough, nagkaroon ako ng magandang pamilya and masaya na ako ngayon,” aniya.
PROMISING at malakas ang dating ng alternative pop artist na si Jack Medina, ang frontman ng bagong all-male group na Five Fingers.
Humarap ang rising OPM singer sa entertainment press last Monday para sa isang tsikahan kung saan ay ipinarinig niya rin ang mga kantang Sapantaha at Aminin Mo Na na siya rin ang sumulat.
Kinakitaan nga agad ng ‘future’ si Jack ng press sa larangan ng musika dahil bukod sa kumakanta ay nagko-compose rin siya ng songs. He also plays the guitar.
Hindi naman kataka-takang talented si Jack dahil nasa dugo niya ang pagiging artist. Second cousin niya si Josh Cullen ng SB19 at tita naman niya ang aktres na si Aubrey Miles.
Pero hindi niya ginamit ang koneksiyon niyang ito para makapasok sa showbiz, kundi sariling sikap at talento niya talaga ang naging daan para mapansin siya ng discoverer at manager niyang si Roly Halagao.
“Naggi-gig po ako sa mga bars tapos napanood po ako ng manager naming si Tito Roly, nagwo-workshop po ako sa kanya, tapos na-discover po n’ya na kumakanta rin pala ako. Tapos, sabi n’ya, bumuo raw ako ng banda,” kuwento ni Jack.
Kailan nga lang daw niya nalaman na pinsan niya ang SB19 member na si Josh.
“Actually, ‘di pa kami nagmi-meet nang personal. Baka nga hindi n’ya ako kilala, eh,” nahihiyang sabi ni Jack.
Nalaman lang daw niya na second cousin niya si Josh nang minsan ay magkaroon sila ng family reunion at dumating doon ang nanay nito.
“Na-meet ko ‘yung nanay n’ya tapos nalaman ko na pinsan din s’ya ni Papa. Bale ‘yung lolo ko at lolo ni Josh, magkapatid,” sey ni Jack.
Proud daw siya of course sa mga narating ng kanyang pinsan and given the chance ay gusto rin niya itong maka-collaborate.
Pero ang talagang idolo niya ay si JK Labajo.
“Si Juan Karlos talaga. S’ya rin ang gusto kong maka-collaborate. I like how he performs and writes his songs. As a songwriter, I also use passionate lyrics in my songs.
“Hindi lang dahil gusto ko lang maglagay ng ganu’n (mura sa kantang Ere) sa lyrics, pero ‘yun kasi ang totoong nararamdaman ko.
“Pinapanood ko talaga kung paano s’ya mag-perform live. Ang galing talaga. Actually, itong kinanta ko kanina na Sapantaha, may mura talaga. Tinanggal ko lang kanina,” saad ni Jack.
Samantala, released na ang Sapantaha and Aminin Mo Na under DNA Music of Star Music. Available na ito sa lahat ng social media platforms like YouTube (YT), Spotify, iTunes, Apple, etc.
Ang tatlo namang kasamahan ni Jack sa Five Fingers ay sina Lance Kerwin Fajardo (drummer), Paul Anthony Acuin (lead guitarist), at Josh Christian “JC” Vicente (bassist).






Comments