Maganda raw ang lahi… VILMA, GUSTONG SUNDAN NA NINA LUIS AT JESSY SI PEANUT
- BULGAR

- 1 day ago
- 3 min read
ni Melba R. Llanera @Insider | July 24, 2026

Photo: IG _rosavilmasantosrecto & _luckymanzano
Kinumusta namin ang aktres-public servant na si Batangas Gov. Vilma Santos tungkol sa anak na si Luis Manzano. Pagbabahagi ni Gov. Vilma, ngayon ay ang hosting ng panganay niyang anak ang pokus nito, kung saan pagkatapos ng Kapamilya, Deal or No Deal (KDOND) ay may gagawin na itong bagong proyekto.
Sa kabila ng pagiging abala sa kanyang showbiz career, tuloy pa rin si Luis sa kanyang binitawang pangako na kahit hindi siya pinalad na manalo sa nakaraang eleksiyon ay tuloy pa rin ang serbisyo niya sa mga Batangueño.
Sa nakaraang Alay-Lakad ay nagbigay ito ng donasyon dahil ang nasabing event ay para sa edukasyon.
Lolang-lola namang nagkuwento si Gov. Vi na bibung-bibo at nakakatuwa ang apo na si Peanut at nakikita niyang mag-aartista ito.
Biro pa ni Gov. Vi, gusto na niyang masundan si Peanut lalo’t maganda ang lahi nina Luis at Jessy.
Samantala, sa nakaraang State of the Province Address (SOPA) 2026 ni Gov. Vilma Santos para sa isang taong panunungkulan niya bilang gobernador ng Batangas, pinalakpakan ang achievements at nagawa ng pamumuno niya mula sa kalusugan, edukasyon, kapaligiran, agrikultura, roads and infrastructure, turismo at teknolohiya, social services at security programs (H.E.A.R.T.S.) para sa mas matatag na Batangas.
Kitang-kita at ramdam ang kasiyahan ng mga Batangueño sa maayos at magandang pamamalakad ni Gov. Vi, kung saan bukod sa nadagdagan ang mga scholarships at ipinamimigay na incentives sa mga nasa kolehiyo na makakakuha ng mataas na grado, maitatayo na ang isang pampublikong dialysis center sa Batangas, ang modernisasyon ng 13 district hospitals at ang pagsisimula ng Capitol on Wheels, at marami pang iba.
NAGING isyu ang nakaraang pahayag ni Sunshine Garcia sa launching ng pabango ng isang skincare brand na totoong may mga tampuhan na naganap at nagaganap sa grupong Sexbomb, kung saan dati pa ay balita na may dalawang paksiyon na nabuo sa loob ng kanilang grupo, ang Team Jopay Paguia at Team Rochelle Pangilinan.
Noon pa pinagsasabong ang dalawa kung saan nabalita rin na may matagal nang hidwaan ang mga ito.
Nabuhay muli ito nang maging aktibo uli ang grupo dahil sa sunud-sunod na matagumpay nilang reunion concerts.
Sa panayam kay Rochelle Pangilinan kamakailan, nahingan ng reaksiyon tungkol dito ang tinaguriang Sexbomb leader. Inamin naman nito na dahil lahat sila ay babae, masasabing ang mga alpha female ay hindi maiiwasang nagkakaroon ng banggaan ng mga personalidad at paniniwala ng bawat isa.
Ayon pa kay Rochelle, dahil galing sa iba’t ibang pamilya ay may kani-kanyang responsibilidad na nakaatang sa bawat isa sa kanila. Hindi maiiwasan na minsan ay nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan, pero ang mahalaga sa huli ay nagkakaintindihan at naaayos kung anuman ang problema.
Siniguro rin ni Rochelle na okay sila ni Sunshine at maging sila ni Jopay. Naniniwala rin siyang lahat ay nakukuha sa maayos na pag-uusap at hindi dapat lahat ay ihain at pagpiyestahan ng iba.
Para sa aktres-dancer, ang importante ay handang magtrabaho ang lahat at kahit hindi man niya mapagsama sa isang entablado ang lahat ng miyembro ng Sexbomb, masaya siya na ngayon ay may trabaho ang lahat, kung saan tuluy-tuloy ang concerts nila kahit sa ibang bansa at may mga endorsements na rin sila.
Pahayag din ni Rochelle, anuman ang pinagdaraanan ng grupo ay lagi lang siyang naroon para sa kanila. Hindi man niya alam kung hanggang kailan o kung hanggang saan, mananatili siyang laging nakatatandang kapatid para magbigay ng suporta sa lahat.
Labis din ang pasasalamat niya sa mga tagahanga o sa mga sinasabing lumaki sa Sexbomb.
Ang layunin lang ng grupo ay makapagbigay ng saya at nostalgia sa mga sumusuporta sa kanila.
Samantala, labis na nagpapasalamat si Rochelle dahil dalawang beses na siyang nanalo bilang Best Supporting Actress para sa pelikulang Child No. 82 (Anak ni Boy Kana). Para kay Rochelle ay katuparan ito ng matagal na niyang pangarap dahil sa loob ng mahabang panahon ay hiling niya talagang mapansin at makilala siya bilang aktres.
Kakaibang kilig ang ibinigay ng dalawang awards para sa kanya at dito niya mas napatunayan na sulit ang lahat ng hirap at pagsisikap niya.





Comments