Mag-asawang may-ari ng Pharmally, parang may “pabrika ng pera”
- BULGAR
- Nov 6, 2021
- 2 min read
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | November 6, 2021
ROSE NONO LIN, NA MAY-ARI NG PHARMALLY BIOLOGICAL AT KANDIDATO FOR CONG. SA QC, HINDI RAW MALUHO PERO ANG MGA SASAKYAN AY LAND ROVER, CADILLAC, LEXUS, LAND CRUISER AT ALPHARD—Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa multi-billion peso scam na kinasasangkutan ng mga tauhan ni P-Duterte sa PS-DBM (Procurement Service-Department of Budget and Management) at Pharmally Pharmaceutical na may konek kay Michael Yang na BFF ni P-Duterte ay nabulgar na ang misis ni Allan Lim, isa sa mga nasasangkot sa anomalyang ito, na si Quezon City-Dist. 5 Congressional candidate Rose Nono Lin ay nagmamay-ari ng mga luxury cars na tulad ng Land Rover worth P11.9 million, Cadillac Escalade worth P8.9-M, Lexus worth P8.8-M, Toyota Land Cruiser worth P4.8-M at Toyota Alphard worth P3.9-M.
Ang palusot ni Rose Lin, hindi naman siya maluho sa sasakyan, kaya lang nagugulat siya na natatagpuan na lang niya sa garahe ng kanilang bahay ang mga luxury cars na binili raw ng kanyang mister bilang “gift” sa kanya.
Hanep, hindi siya maluho, pero ang mga gamit niya ay Land Rover, Cadillac, Lexus, Land Cruiser at Alphard, boom!
◘◘◘
PHARMALLY BIOLOGOCAL FIRM NG MAG-ASAWANG ROSE LIN AT ALLAN LIM, MAY KONEK DIN KAY MICHAEL YANG—Sabi ni Rose Lin, silang mag-asawa ay hindi sangkot sa naganap na PS-DBM-Pharmally Pharmaceutical scam kasi ang kumpanya nila ay Pharmally Biological, at hindi Pharmally Pharmaceutical.
Ano ‘yan, nagkataon lang na parehong Pharmally ang first name ng kanilang kumpanya at nagkataon din lang na parehong may konek si Michael Yang sa Pharmally Pharmaceutical at Pharmally Biological? Pwe!
◘◘◘
PARANG MAY “PABRIKA”, KUNG GUMASTOS ANG MAG-ASAWANG ROSE LIN AT ALLAN LIM—Sa pagtatanong ng mga senador kay Rose Lin, nabulgar din na bukod sa meron na silang bahay sa exclusive na Magallanes Village ay may bahay din sila sa Forbes Park.
Ang tugon dito ni Rose Lin, ang unang tirahan nilang mag-asawa ay sa Magallanes Village, at ang bahay nila sa Forbes Park ay inuupahan lang nila ng P770-K monthly kasi mas malapit ito sa pinapasukang eskuwelahan ng kanilang mga anak.
Ganun? P770-K monthly rental sa bahay na inupahan para lang malapit sa iskul ng mga anak, nila-“lang” lang ni Rose Lin?
Grabe, ha? Parang may “pabrika ng pera” ang mag-asawang Rose Lin at Allan Lim, parang hindi na sila mauubusan ng pera sa kagagastos kasi si Misis ay umupa ng bahay na P770-K monthly para lang mapalapit sa iskul ng kanilang mga anak, tapos si mister ay bili nang bili ng mga luxury cars na milyones ang halaga na “gift” sa kanyang misis, boom!
◘◘◘
HABANG MARAMING NAGHIHIKAHOS, SARAP-BUHAY NG MGA TAGA-PHARMALLY—Bago nabulgar ang mga luxury cars ni Rose Lin, noong Sept. 18, 2021 sa hearing ng Senate Blue Ribbon Committee ay nabisto na matapos palang bayaran ng Duterte gov’t. sa pamamagitan ni former Usec. Lloyd Christopher Lao ng PS-DBM ng halagang P8.5 bilyong ang Pharmally Pharmaceutical, ang mga executives nito na sina Linconn Ong, Mohit Dargani, Twinkle Dargani ay agad nagsipagbili ng mga sports cars na milyun-milyon ang halaga.
‘Yan ang malungkot na nangyayari sa Pilipinas sa panahon ng pandemya, na habang maraming Pinoy ang naghihikahos ang pamumuhay, ang mga sangkot sa pang-i-scam sa kaban ng bayan ay sarap buhay sa pagbili ng mga sports cars at luxury cars, tsk-tsk-tsk!





Comments