Mag-aaral, paganahin ang ‘critical thinking’ skills para labanan ang deepfakes, atbp
- BULGAR

- Jun 19
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | June 19, 2025

Sa panahon ng mabilis na pag-usbong ng teknolohiya, hindi sapat na matuto lang ang mga mag-aaral ng pagbabasa, pagsusulat, o pagbibilang, dahil sa gitna ng malawakang paggamit ng artificial intelligence (AI), mas mahalagang madebelop ng mga kabataan ang ‘critical thinking’ skills nila upang labanan ang mga naglipanang fake news at AI-generated na panlilinlang.
Naniniwala si Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara na kailangang isulong ang naturang hakbang ng mga mag-aaral bilang mahalagang bahagi ng ating edukasyon. Binigyang-diin ni Angara ang kahalagahan ng pagpapalakas ng kakayahang maging critical thinker ng mga estudyante, lalo na sa gitna ng dumaraming deepfakes at disinformation na gawa ng AI.
Paliwanag ng kalihim, magaling talaga ang AI at dapat maingat ang mga tao ngayon. Kailangang maging mapanuri, na gusto rin nilang ituro sa eskwelahan, kung saan aniya, bahagi ng tinatawag na ‘critical thinking’.
Kaugnay nito, isinusulong ng DepEd ang pagtatayo ng isang AI Research Center na tutulong sa mga guro at mag-aaral na mas maunawaan ang teknolohiya at makasabay sa mga pagbabago sa digital na mundo. Subalit giit ni Angara, hindi dapat bigyan ng AI tools ang mga mag-aaral kung hindi pa sila bihasa sa pagbabasa.
Sa kasalukuyan, ginagamit na sa mga pampublikong paaralan ang Khanmigo, isang AI-powered learning assistant mula sa Khan Academy. Aniya, nakatutulong ito sa mga guro sa paggawa ng lesson plans na dati’y umaabot ng dalawa o tatlong araw, pero ngayon ay natatapos sa loob ng isang oras.
Bukod sa mga guro, may access din ang mga mag-aaral sa Khanmigo para sa kanilang pagkatuto sa mga asignaturang gaya ng mathematics at reading comprehension.
Gayundin, binigyang-diin ng DepEd na ang pagsugpo sa digital misinformation ay kasing halaga ng pagbibigay ng mga silid-aralan at learning materials. Nakatuon na rin ang kagawaran sa pagbibigay ng AI tutors sa mga titser upang mas mapabuti ang kalidad ng pagtuturo at pagsusuri sa kaalaman ng mga mag-aaral.
Sa harap ng modernong pagbabago, malinaw na hindi lamang pasilidad, gadgets ang sagot sa mga hamon sa ating edukasyon. Kailangang ituro sa kabataan ang tamang paggamit ng teknolohiya — hindi bilang palamuti sa silid-aralan, kundi bilang kasangkapan para sa totoo at malalim na pagkatuto.
Hindi sapat na malaman lang gumamit ng AI, dapat kilatisin, kuwestiyunin, at mas pahalagahan ang totoo kesa sa peke. Sa ganitong paraan ay nagiging mas makabuluhan din ang AI sa sektor ng edukasyon.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments