Madlang pipol, mangarap daw… VICE: MALING MAKUNTENTO NA MAGING MAHIRAP
ni Beth Gelena @Bulgary Files | July 5, 2023

Binigyan ni Vice Ganda ng advice ang sumaling contestant sa segment na Rampanalo ng It’s Showtime kamakailan.
Sinabi kasi ng naturang contestant nu'ng nakaraang Lunes na, “Masarap naman pong mabuhay bilang mahirap.”
Pero, mabilis namang ikinorek ni Meme Vice ang mindset na ito ng contestant. Aniya, “Iko-correct lang natin ‘yan, ha? Kasi hindi tama ‘yung sinasabi nating, ‘Okay naman maging mahirap.’
“Alam mo ang okay lang na nararamdaman ng maraming mahirap? Okay kasi mahirap sila pero nagmamahalan silang pamilya, okay ‘yun.
“Mahirap sila pero mabuting tao sila, okay ‘yun. Mahirap sila, pero mahal sila ng nanay at tatay nila, okay ‘yun. Mahirap sila at nakakapag-aral sila, okay ‘yun.
“Pero kung may pagkakataong maging mayaman, ayaw mo ba ‘yun?” tanong ni Vice sa naturang contestant.
“Gusto po,” sagot ng contestant.
“'Yun! Kaya ‘wag mong sasabihing okay, masarap maging mahirap kasi hindi totoo ‘yan. Mali ‘yun, mali. Maling mentality, ha?” lahad ni Vice.
Ang mahabang paliwanag pa ng comedian-TV host, “Mali ang mentality na mahalin natin ang pagiging mahirap dahil hindi. Maraming pagkakataon sa buhay natin na hirap na hirap tayo dahil sa kondisyon ng ating pamumuhay.
“Kaya gagawa ka ng paraan para makatakas doon sa kahirapan na ‘yun, sa poverty. Para ‘pag nagkaanak ka, mapag-aaral mo ‘yung anak mo. Magkaroon siya ng magandang kinabukasan. “‘Yung asawa mo ay maging komportable ang buhay. Hindi kayo matatakot kung paano kayo magbabayad ng utang,” dagdag pa ni Vice.
“Mindset, mindset, mindset! Mahirap ako ngayon, mabuting tao ako, pero tatakas ako sa kahirapan. Magiging mayaman ako at mabuting tao pa rin,” dugtong pa niya.
“We change the mindset, ‘di ba?”
Nakuha naman ng mga nasa audience at netizens ang punto ni Vice, kaya hinangaan nila ito.





Comments