Madir, worried sa 18-anyos na anak… ANAK NI CLAUDINE, MAY BF NA
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | November 15, 2022

“Greatest award natin ang mga anak natin," ito ang pahayag ni Claudine Barretto sa panayam sa kanya ni Gladys Reyes para sa programang Moments na mapapanood sa NET25 produced ng Eagle Broadcasting Corporation na umere nitong Linggo, Nobyembre 13.
Napag-usapan kasi ng dalawa ang tungkol sa mga nagampanan nilang roles sa TV series at pelikula at kung ano ang pinaka-challenging role.
Say ni Claudine ay ang pagiging nanay sa mga anak niya ang most challenging role.
“Ang pinaka-challenging role talaga ay ang pagiging mommy, ‘yung walang talent fee, walang day-off, walang award, pero ang masasabi ko talaga sa lahat ng mga nanay, ito ang pinaka-challenging at pinaka-fulfilling and I guess sa ating mga artista, greatest award natin ang mga anak natin,” esplika ng aktres.
Sumang-ayon naman ang host ng Moments sa sinabi ni Claudine, “Oo, tama naman, kahit na walang premyo ‘to, iba pa rin ang pagsasakripisyo.”
Teen-agers na ang dalawang anak ni Claudine na sina Sab (18 y/o) at Santino (15 y/o) at ibang-iba ang estilo niya sa pagpapalaki sa mga ito kumpara kung paano siya pinalaki ng Mommy Inday Barretto niya.
“Mas lenient ako. Iba ‘yung mga teen-agers ngayon at saka young adults, hindi sila relationship-oriented, mas career and goal-oriented sila. So, mas madali para sa atin.
“Sila ngayon, iba. Si Sabina, mas smart, mas intelligent, witty, ganyan. Hindi ako worried sa part na ‘yun pero nandoon ‘yung worry ko dahil may boyfriend siya kaya mas strict ako sa kanya kapag lumalabas.
“Si Saint (Santino), walang yaya 'pag lumalabas, walang security, pinapayagan ko na. Pero si Sabina, nandoon pa rin ‘yung yaya niya, 20 years na ‘yung yaya niya kaya hanggang ngayon, sumasama pa rin si Yaya Ging sa kanya kahit saan magpunta,” kuwento ni Clau.
Tanong ni Gladys, “Paano ang parenting style mo, Mare? Cool ba ‘yun o medyo strict?”
“Strict and cool. Very cool ako 'pag gusto nilang lumabas. Ang akin lang, nandoon lang si Yaya Ging 'pag lalabas si Sabina. And puwede silang lumapit sa akin about anything, they can talk to me about anything. ‘Yun ang difference ng parenting style ko kaysa sa magulang ko, hindi ako open sa kanila. Hindi dahil istrikto sila, hindi lang ako komportable.
“And ‘yun ang nakikita ko sa mga anak ko na sobra silang komportableng magkuwento about their life, relationship, dreams, problems. Sinisiguro ko rin na nandoon ako para sa kanila at anytime puwede nila akong kausapin,” paglalarawan ni Claudine.
At dahil may dalawang batang anak pa si Claudine ay iba naman ang style niya dahil mas gusto raw na naglalaro sila at kinukuwentuhan at babasahan sila ng stories at mahilig ding mag-malling.
“Iba talaga kasi sina Noah at Quia, nagmi-milk pa. Si Noah, naka-diaper pa. So, mas hands-on ako sa dalawang kids kaysa kina Sab at Saint because I was working (balik-showbiz),” katwiran ni Claudine.
Naikuwento rin ng aktres na iniiyakan niya ang project kapag hindi niya ito tinatanggap dahil mas kailangan siya ng dalawang batang anak niya.
“Kasi passion ko ang acting, pero kung alam mong may responsibilidad ka buong buhay mo mula nang lumabas sila sa mundong ito hanggang last breath mo, alam mong ito na ang buhay mo.
“We only had one shot being a parent and I didn’t want to fail. Kung nag-fail ako as a wife, ayokong mag-fail as a mother,” paliwanag ni Claudine.





Comments