Madir, single parent, sobrang hirap… JODI, TINDERA NG POPCORN BAGO NAG-ARTISTA
- BULGAR
- Feb 8, 2022
- 3 min read
ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | February 08, 2022

Nakapanayam ni Karen Davila sa kanyang YouTube Channel ang bidang actress ng The Broken Marriage Vow na si Jodi Santamaria.
Ikinuwento ni Jodi sa TV Patrol news anchor ang kanyang mga pinagdaanan at naging buhay noong hindi pa siya nakikilala sa mundo ng showbiz.
Dahil sa kakapusan sa pinansiyal, habang nag-aaral ay nasubukan daw niya ang pagbebenta ng popcorn sa school noong bata pa siya.
“We were raised single-handedly by my mom pero my lola has always been there na naging supportive kay Mama. So, it was just me, my kuya, my lola, and my mom,” bungad ni Jodi.
“Tapos doon (nag-start) 'yung sa pagiging raketera sa school, nagbebenta kami ng popcorn.
Kasi du'n namin kinukuha ‘yung pambaon namin. So, 4 AM, gigising si Mama, gagawa siya ng parang butter, ng brown sugar, tapos may candle para pang-close ng plastic, tapos ibebenta namin per pack ng twenty pesos ‘yan,” pagpapatuloy pa niya.
Naalala pa ni Jodi ang nakakatawang karanasan nang i-call ang kanilang atensiyon para ipahinto ang kanilang negosyong popcorn matapos umanong mapansin na nagiging kakumpitensiya na sila ng school canteen.
“One day, pinatigil ‘yung aming small business kasi nakakumpitensiya na namin ‘yung canteen sa school,” natatawang lahad pa ni Jodi.
Pero hindi rito tumigil ang mga pangarap ni Jodi na makatulong sa pamilya. Inambisyon din nitong maging artista.
Umpisang kuwento ni Jodi, bagama't aminadong mahiyain, bata pa raw siya'y mahilig na siyang mag-perform sa harap ng mga tao. Hanggang sa naging paraan ito para siya'y mapansin ng isang talent scout.
“Ano lang ako, typical school girl na mahiyain. Pero sobrang love ko ang pagpe-perform. And then, pagdating ko ng high school, we were just having lunch — me and my friends — may lumapit sa aming talent scout. Nagbigay siya ng card, mag-audition daw kami,” kuwento ng aktres.
Hindi pa man abot ang pangarap na makapasok sa showbiz, ang tiwala ng mga kaibigan ay isang inspirasyon para ipagpatuloy ang kanyang pangarap. Naging suki na si Jodi ng mga go-see o ang pag-o-audition sa mga commercials.
“Pumunta kami ng go-see for commercials. So, punta kami nang punta pero wala talaga kaming project na nakukuha. Kasi I think napaka-specific ng hinahanap nila for a commercial, hindi ba? And then I said, ‘Okay na ako, at least, na-try ko, baka hindi ako para d'yan,’” ani Jodi.
Bokya man sa in-apply-an na commercials, sinubukan pa rin niya ang kanyang suwerte sa pagiging artista nang mag-audition siya bilang bahagi ng Star Magic.
“And then tumawag na naman siya (talent scout), sabi niya na may pa-audition ang ABS-CBN looking for people to audition for the new batch of Star Circle 7. I’m like ‘Sige, try ko.’
Nagpunta kami doon, nag-bus kami. Pagdating doon, ‘Oh, my gosh, ito na ‘yung ABS-CBN!’ Ito pala hitsura niya.
“Pero noong time na ‘yun, kung hindi man ako matanggap, okay lang. Ang gusto ko lang, makakita man lang ako ng artista,” nakangiti niyang sabi.
Sa wakas, pinalad siyang mapabilang sa Star Circle. Sa umpisa, may project nga, pero 'smorgasboard' naman ang cast, at patibayan na lang kung sino ang mapapansin.
Hindi naman ito naging dahilan para siya'y sumuko.
Lahad pa ni Jodi, umaabot lamang ng P1,500 ang kanyang talent fee noong nagsisimula pa lamang siya bilang artista. Ito 'yung mga Tabing-Ilog days pa lang.
“Nagtiyaga, Karen. Kasi nu’ng time na ‘yun kasi, I remember ang pinakaunang talent fee ko is 1,500 pesos. Before, kapag pupunta ka ng shoot, bitbit mo lahat. Bibigyan ka nila ng requirements. So, kami ni Mama, kung ano lang ang mayroon dito, kasi wala naman kaming maraming clothes, eh.
“Kasi let’s say sumuweldo si Mama, ‘Oh, ito lang ang budget natin. Oh, ito lang ang bibilhin natin. Oh, hindi pa sira ang sapatos, so hindi kailangang bumili ng bago,’” alala ng aktres.
At ngayon, napakalayo na nga ng narating ng isang Jodi Santamaria sa larangan ng pag-arte.








Comments