Madir, namatay na ‘di sila okay… “‘WAG SANA AKONG KARMAHIN” — MARIEL
- BULGAR

- 2 hours ago
- 4 min read
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | February 2, 2026

Photo: Julius Babao Unplugged / YT
Malungkot na inamin ni Mariel Rodriguez sa panayam sa kanya sa YouTube (YT) Unplugged vlog ni Julius Babao na namatay ang kanyang ina na hindi sila in speaking terms.
Masayahing tao si Mariel at nagkaroon kami ng pagkakataon na makasama at makakuwentuhan siya noong aktibo pa siya sa showbiz. Nagkakakumustahan pa rin kami at kapag may mga tanong ay agad naman niyang sinasagot.
Kaya laking-gulat namin nang tanungin siya ni Julius kung ano ang nagpapalungkot sa kanya dahil masayahin siya at kapag magkasama sila ng mister niyang si Sen. Robin Padilla ay maligaya rin siya.
Inamin pa niyang natatawa raw sa kanya ang asawa dahil sa kanyang kakikayan.
Ito ang sagot ng wifey ni Robin kung ano ang nagpapalungkot sa kanya.
“When I think of my mom (ipinakita ang larawan nilang mag-ina), ‘yun talaga, Julius. ‘Yun ang cross that I will bear for the rest of my life,” malumanay niyang sagot.
Dito ipinagtapat ni Mariel na may mga isyu sila ng kanyang ina.
“Just like everybody, they have issues with their parents, with their moms siguro. Because my mom died all of a sudden, I always thought that we would have more time with her, and I wasn’t exactly the greatest daughter. So that is the cross that I will bear for the rest of my life.
“I hope that she forgives me, at ‘yun ang dasal ko. Kinakatakutan ko na rin kasi naniniwala ako sa karma, ‘wag sana akong karmahin one day. Sana, ‘yung mga kids ko, ‘di kami magkaroon ng ganu’ng relationship, kasi ‘di kami laging magkasundo ng mom ko,” malungkot na pahayag ni Mariel.
Regrets ang sinambit ni Mariel na dala-dala niya hanggang ngayon.
“Ang bigat pala, Julius. Dadalhin mo na lang siguro kasi ‘di mo na maitama. Never mo na maitatama. Siguro dapat, mas inintindi ko pa, dapat hinayaan ko na lang,” sabi ni Mariel.
Ano raw ba ang dapat niyang ginawa?
Sey ni Mariel, “Siguro ‘yung pag-intindi. Mas dapat inintindi ko pa.”
Kaya nang pumanaw ang kanyang ina noong Disyembre, 2023 ay hindi sila in good terms.
“No, hindi. In fact, ‘yung time na ‘di kami okay, seasonal ang galit ng mom ko. Nu’ng time na namatay s’ya, ako ‘yung season. My pictures were down in her house. She took my pictures down. ‘Yung ganu’n, season ko.
“That’s why I always tell people, when you think about it, in everything else in life, it’s always a chance to make up. It’s always a chance to have another day one. But when they’re gone, there’s no day one. That’s it.
“So you really have to weigh it, what matters more — ‘yung pinag-aawayan n’yo ba, ‘yung ‘di n’yo pinagkakasunduan, or the relationship, or the fact that she’s your mother and you owe her your life,” malumanay na sabi ni Mariel kay Julius.
Tugon ng Unplugged host, “The realization came late,” sabay tango ni Mariel.
Aniya, “At least, naibabahagi natin sa mga viewers. At least, alam nila na baka puwedeng mangyari sa kanila.”
“Yes, ‘yung akala ninyo na tatawagan ko na lang mamaya o bukas na lang. ‘Yung sa dad ko, sa grandparents ko, alam ko na ‘yung mali ko, kaya ‘di ko na ‘yun gagawin sa kanila. Pero ‘di pa rin mae-erase ‘yung nagawa ko sa mommy ko,” sabi pa ni Mariel Rodriguez Padilla.
Mga kamiyembro, naunahan…
BINI JHOANNA, ARTISTA NA
WOW! Artista na si BINI Jhoanna Robles. May cameo role ang isa sa miyembro ng P-pop girl group na BINI sa three-minute short film ng Puregold Sari-Sari Stories na may pamagat na The Witness (TW).
Ipinagpapatuloy ng Puregold ang pasasalamat nito sa mga may-ari ng sari-sari store o maliliit na negosyante sa serye ng Sari-Sari Stories, sa pinakabago nitong video na nagtatampok ng espesyal na cameo from BINI.
Ang TW ay isang maiksing pelikula ng kuwentong pag-ibig, coming of age, at pagyabong ng pagmamahal sa pagdaan ng mga taon, na hinubog ng pagmamahal at pananatili, at natunghayan sa tahimik na presensiya ng may-ari ng sari-sari store.
Dagdag sa ganda at koneksiyon ng naratibo ang cameo ni Jhoanna, na binibigyang-diin ang mensahe ng pelikula: pasasalamat sa mga may-ari ng maliliit na negosyo sa bansa.
Sinang-ayunan din ni Jhoanna ang gampanin ng mga sari-sari store sa araw-araw nating pamumuhay.
“Importante na ‘di mawala ang sari-sari store. Bukod sa pagiging very Pinoy, ito pa rin ang pinaka-accessible sa maraming komunidad. Iba pa rin ‘yung may mapupuntahan kang malapit sa ‘yo,” ani Jhoanna.
Kahawig ng pananaw ni Jhoanna ang damdamin ni Puregold Senior Marketing Manager Ivy Hayaga-Piedad.
Aniya, “Lagi-laging kakampi ang Puregold ng mga maliliit na negosyante sa bansa. Sa pamamagitan ng Sari-Sari Stories, patuloy naming itinatampok ang mahalagang gampanin ng mga may-ari ng sari-sari store sa ating pang-araw-araw na pamumuhay.”
Dahil sa akses sa mga pangunahing pangangailangan, pinagtatagpo rin ng mga tindahang ito ang mga tao sa komunidad.
Pagpapatuloy ang The Witness ng mahuhusay na kuwento mula sa Sari-Sari Stories gaya ng Ways na itinampok si Stell ng SB19, at The Sign na isinama naman si Skusta Clee.
Sa kabuuan, nagsimula ng mga usapan ang serye at nakalikha ng koneksiyon sa mga netizens, Aling Puring members, at tagasubaybay ng Puregold—patunay ng mahalagang papel ng mga sari-sari store sa araw-araw na buhay ng mga Pilipino.
Habang nagpapatuloy ang serye, lalo pang hinihikayat ang mga manonood na abangan ang mga susunod na kuwento, repleksiyon ng integrasyon ng mga sari-sari store sa buhay ng mga tao at sa mga komunidad na kanilang pinaglilingkuran.










Comments