Search
  • BULGAR

Madalas na pagsusuot ng masikip na pantalon, maaaring magpalala ng varicose veins

ni Dr. Shane Ludovice - @Sabi ni Dok | June 25, 2020



Dear Doc. Shane,

Ako ay isang security guard sa bangko at dahil sa matagalang pagkakatayo ay sumasakit ang aking mga binti. Dahil sa trabaho kong ito ay nagkaroon ako ng varicose veins. Ano ang mainam gawin upang hindi ito lumala? Salamat.

– Enrico

Sagot

Sadyang ang problema ng ilan sa atin ay ang malalaking ugat sa mga paa at kamay. Bukod sa hindi ito magandang tingnan, madalas ay sumasakit pa.


Mabigat at nakakapagod ang pakiramdam ng may varicose veins at halos 20% ng pasyente ay may varicose veins at ito ay dahil namana natin sa ating mga magulang.

Makatutulong ang mga sumusunod:

  • Ugaliing itaas ang mga kamay o paa. Ang sanhi ng varicose veins ay ang pagluwag ng ating mga ugat. Kapag palaging nakababa ang ating mga paa, mag-iipon dito ang dugo at mamamaga ang ating ugat. Kaya umupo at ipatong ang paa sa isang silya. Ipatong din ang kamay sa isang unan at itaas ng ilang ulit sa isang araw.

  • Magsuot ng support stockings o masikip na medyas. Mabibili ito sa mga department store o sa medikal na tindahan. Ayon sa mga eksperto, ang support stockings ang pinakamabisang lunas para sa varicose veins at mahalaga na palagi itong gagamitin.

  • Hangga’t maaari ay iwasang tumayo ng mahabang oras. Kung ang trabaho mo ay guro, security guard, pulis o saleslady, puwede kang magka-varicose veins. Mas mainam na galawin ang mga paa habang nakatayo para umakyat ang dugo mula sa paa pabalik sa puso.

  • Huwag magsuot ng masikip na pantalon. Kapag masikip ang suot pants o maong, puwedeng maipit ang ugat natin sa mga paa. Siguraduhing katamtaman lang ang sikip para makadaloy ang dugo sa ating mga ugat.

  • Kumain ng mga gulay na mataas sa fiber. Ang prutas tulad ng papaya at pinya ay may fiber din. Sa tulong nito, magiging regular ang iyong pagdumi. Kapag malambot ang inyong dumi, makaiiwas kayo sa varicose veins at sa almoranas.

  • Kung malaki at masakit na ang inyong varicose veins, mainam na magpakonsulta na sa mga eksperto. Sa may malalaking ugat, mayroon ding operasyon na ginagawa ang mga surgeons.

Tandaan: Huwag basta maniwala sa mga mamahaling gamot o pamahid para sa varicose veins.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2019 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.