Mabuhay ang magigiting na bayani, mabuhay ang mga frontliners!
- BULGAR
- Apr 8, 2022
- 4 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 8, 2022
Bukas ay muling ipagdiriwang ang Araw ng Kagitingan o ‘Day of Valor’ na kinikilala ring Bataan Day na gumugunita sa kabayanihan ng ating lahi sa kasagsagan ng ikalawang digmaang pandaigidig.
Ito nga ang isa sa pinaka-brutal na pinagdaanan ng ating mga puwersa — ang 'Fall of Bataan' at ang 'Death March' na isa sa pinakamahalagang pangyayari sa kasaysayan na hindi dapat makalimutan.
Bagama’t tumapat ito sa araw ng Sabado ay isa pa rin itong holiday at walang pasok ang mga manggagawa bilang pagbibigay-pugay sa ating mga kababayan noong panahon ng digmaan dahil sa labis nilang sakripisyo, katapangan at labis na pagmamahal sa bayan.
Hindi natin basta-basta na lamang makakalimutan ang malaking kasaysayang ito ng bansa at ang paggunita dito ay isang pagtalima para maibahagi natin sa mga kabataan kung paano natin tinatanaw ang kabayanihan ng ating mga ninuno.
Taliwas noon sa utos nina Heneral Douglas MacArthur at Jonathan Wainwright ay isinuko ni Major General Edward King, Jr. ng Estados Unidos ang pinuno ng puwersa ng Luzon ang mahigit-kumulang sa 76,000 sundalo sa puwersa ng Hapon.
Ang desisyong ito ni Major King ay bunga ng labis na pressure dahil sa walang humpay at madugong labanan sa Bataan na tumagal ng humigit-kumulang sa tatlong buwan na puno ng pangamba, pagod, kagutuman at napakarami ng buhay na nawala.
Nasa 67,000 ang bilang ng sundalong Pilipino, 1,000 ang Tsinoy, at 11,796 naman ang Amerikanong sundalo na noon ay magkakaalyado na pawang nagugutom at nagkakasakit na bago pa sinamsam lahat ng kanilang kagamitan ng mga Hapones.
Puwersahang pinaglakad ang mga bilanggo ng digmaan nang may 140 kilometro na tinawag na ‘Martsa ng Kamatayan sa Bataan’ patungo sa Kampo ng O’Donnel sa Capas, Tarlac at sa huling yugto ay pinagsiksikan pa sila sa mga bagon ng tren patungo sa kulungan.
Libu-libo ang namatay sa naturang martsa dahil sa sobrang pagkauhaw, matinding init, grabeng mga sugat dahil sa walang tigil na pananakit ng mga Hapon at pinapatay pa ang mga mahihina na hindi na kayang maglakad pa.
Masuwerte ang ilang bilanggo dahil sa kahit paano ay naisakay sa truck patungo sa San Fernando, Pampanga ngunit kinailangan pa rin nilang maglakad ng karagdang 25 milya kaya naranasan din nila ang paulit-ulit na pananakit kapag nanghihina na dahil sa sobrang pagod.
Sa 76,000 bilanggo ay nasa 54,000 lamang ang masuwerteng umabot sa patutunguhan at tinatayang nasa 5,000 hanggang 10,000 Pilipino at 600 hanggang 650 Amerikanong bilanggo ng digmaan ang namatay bago pa nila narating ang Kampo ng O’Donnell.
Ang malaking bahagi ng kasaysayan nating ito ay itinuturo naman sa mga mag-aaral ngunit dahil sa bilis ng galaw ng buhay ay tila hindi na kasing init ang atensiyong itinutuon ng ating mga kabataan at kulang na kulang na ang alab na kanilang nararamdaman hinggil dito.
Bukas ay nais ko ring bigyang-pugay bilang bahagi ng paggunita sa Araw ng Kagitingan ang ating mga frontliner na napakarami ring nagbuwis ng buhay para lamang sa kaligtasan ng marami nating kababayan sa kasagsagan ng pandemya.
Ito ang panahong wala ng taong nakikitang naglalakad sa mga kalsada dahil sa dami na ng namamatay maliban sa mga frontliner na gumagamit lamang ang ilan ng bisikleta para makarating sa mga pagamutan at gampanan ang kanilang tungkulin.
Habang wala pang bukod na araw para gunitain ang kanilang sakripisyo sa bayan ay nais ko silang alalahanin sa tuwing sumasapit ang Araw ng Kagitingan dahil sa hindi nila inalintana ang sarili nilang buhay basta’t magampanan lamang nila ang kanilang tungkulin.
Kabayanihan, kagitingan o kung anuman ang maitatawag natin sa naging kontribusyon ng ating mga frontliner ay hindi ito dapat kalimutan habang panahon dahil utang natin sa kanila ang ating buhay lalo na ‘yung mga nahawa at nakaligtas sa COVID-19.
Umabot sa 6.15 milyon ang nasawi sa buong mundo dahil sa COVID-19 at hanggang ngayon ay may mga nadadagdag pa pero mapalad tayo na hindi tayo nasama dahil sa pagsisikap ng mga frontliner na kahit sa kanilang hanay ay napakarami rin ang nasawi.
Kaya maraming salamat sa mga doktor, nurses, medical workers, mga pulis, sundalo at iba pang sektor na walang takot lumabas para tumulong sa pandemya — ang Araw ng Kagitingan ay alay din namin sa inyong lahat.
Kasama ko ring ginugunita ang kabayanihan ng overseas Filipino workers (OFWs) na kaya nga natin tinawag na buhay na bayani dahil sa labis na sakripisyo rin ang kanilang puhunan para lamang sa buhay ng kanilang mga kaanak.
Napakalaki rin ng kanilang ambag para sa muling pagbangon ng ating ekonomiya dahil sa kanilang remittances lalo pa ngayon na bukas na naman ang maraming pagkakataon sa ibang bansa ay inaasahang magiging mabilis ang ating pagbangon.
Mabuhay din ang ating mga guro na nagsakripisyo rin at pilit na itinawid ang karunungan ng ating mga mag-aaral sa panahon ng pandemya, ang Araw ng Kagitingan ay handog din namin sa inyong hindi matatawarang pagsisikap.
Lalo na ‘yung mga guro na kailangan pang lumakad nang malayo, umakyat ng kabundukan at bubong ng bahay para lamang magkaroon ng internet connection at maisagawa ang online classes, mabuhay po kayo!
Anak ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments