Mabisang supplement sa depression
- BULGAR

- 2 days ago
- 3 min read
ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | December 9, 2025

Photo File
Dear Doc Erwin,
Ako ay kasalukuyang isang junior high school teacher sa isang public school. Sa aking pagtuturo ay naka-encounter na ako ng makailang beses ng mga mag-aaral na nagkaroon ng depression. Dahil dito ay naging pamilyar na ako sa ilang mga sintomas ng depression.
Kamakailan ay napansin ko ang mga sintomas ng depression sa aking mas nakababatang kapatid na nagtatrabaho sa isang bangko. Dahil dito ay minabuti naming ipatingin siya sa isang psychiatrist at niresetahan nga siya ng gamot dahil na-confirm na siya nga ay may depression. Nagkaroon naman siya ng kaunting improvement matapos ang ilang buwan na pag-inom ng gamot na nireseta sa kanya.
Sa aking pagri-research tungkol sa depression ay nabasa ko na maaaring makatulong daw ang Creatine supplement sa mga may depression. Nais ko sanang malaman kung ano ang Creatine, at kung ito ay makakatulong sa sakit ng aking kapatid? Makakasama ba ito sa kanyang mental health? May mga research studies na ba sa epekto ng Creatine sa taong may sakit na depression?
Sana ay mabigyan n’yo ng pansin ang aking liham at masagot ang aking mga katanungan.
-- Maria Loren
Maraming salamat Maria Loren sa iyong pagsulat at pagsangguni sa Sabi ni Doc at pagbabasa ng BULGAR newspaper.
Ayon sa isang artikulo sa Journal of Clinical Psychiatry na na-publish noong 2001, itinuturing ng World Health Organization (WHO) ang depression na isa sa mga leading causes of disability na nagpapababa ng quality of life. Apektado ng depression ang approximately 280 million katao sa buong mundo, batay sa nakaraang datos ng WHO.
Ang mga indibidwal na may depression ay nakakaranas ng pagkalungkot, nahihirapan makapag-isip at madalas na pagkapagod. Dahil dito ay naapektuhan ang kanilang araw-araw na pamumuhay.
Ang depression ay karaniwang ginagamot ng mga doktor gamit ang antidepressants, therapy at lifestyle modifications. Ayon kay Dr. Bradley Gaynes sa kanilang artikulo na isinulat sa Psychiatry Online Noong November 2009, kinakailangan ng sapat na panahon bago umepekto ang mga gamot laban sa depression, at maaaring hindi effective o kaya ay may mga unwanted side effects. Dahil marami rin ang may depression kung saan hindi epektibo ang mga kasalukuyang gamot, patuloy na naghahanap ang mga doktor ng mga bagong medisina na epektibo rito.
Ayon sa mga pag-aaral, ang nakikitang dahilan ng depression ay ang brain mitochondrial dysfunction, pagbaba ng ATP production at oxidative stress. Dahil may neuroprotective effects ang Creatine, isa ito sa mga masusing pinag-aaralan ng mga researchers ukol sa epekto nito sa depression. Sa mga laboratory studies na na-publish sa Journal of Psychopharmacology at sa mga human studies na nailathala sa American Journal of Psychiatry, ang Creatine ay nakitaan ng positibong epekto sa pag-improve ng mga sintomas ng mga indibidwal na may major depressive disorder at bipolar depression, lalo na kung ang Creatine ay ipapainom kasama ng standard antidepressant treatment.
Sa isang review study ng mga dalubhasa na pinangunahan ni Dr. Keshav Juneha, naniniwala ang mga ito na ang Creatine ay isang promising supplementary treatment para sa depression. Inilathala ang kanilang research na nabanggit sa Cureus Journal of Medical Science noong October 16, 2024.
Ayon kay Dr. Juneha, ang Creatine ay well tolerated at may good safety profile. Pinag-iingat lamang ang mga indibidwal na may bipolar depression dahil sa kaakibat ng sakit nitong manic episodes. Bagama’t walang nakita na causal relationship between Creatine at pag-trigger ng manic episodes, kinakailangan ang pag-iingat sa pag-inom ng Creatine.
Kung ninanais ninyong painumin ng Creatine Monohydrate supplement ang inyong kapatid, makakabuti na sumangguni muna sa kanyang psychiatrist.
Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y ipagpatuloy ninyo ang pag-aalaga sa inyong kalusugan.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com








Comments