Mabilis na pagbabakuna vs. COVID-19, unahin kesa ‘segregation’ ng mga bakunado at hindi
ni Ryan Sison - @Boses | June 21, 2021
Tulad ng inaasahan, umani ng iba’t ibang reaksiyon mula sa publiko at maging sa mga ahensiya ng gobyerno ang rekomendasyong magkaroon ng “segregation” sa pagitan ng mga indibidwal na bakunado kontra COVID-19 at hindi.
Marami tayong kababayan ang tutol dito dahil maituturing umanong diskriminasyon. Habang giit naman ng iba, gustuhin man nilang magpabakuna ay walang suplay o kaya naman ay hindi sila kabilang sa mga prayoridad maturukan.
Gayunman, aminado ang Department of Health (DOH) na mahaba-habang usapan pa ang mungkahing ito dahil posibleng magkaroon ng isyu sa karapatang-pantao kung paghihiwalayin ang mga indibidwal na naturukan at hindi.
Sa ngayon, sinabi ng isang opisyal ng DOH na mas mainam nang sumunod sa minimum health standards para maiwasan ang hawaan kaysa magkaroon ng segregation.
Gayundin, tutol si Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Ramon Lopez sa segregation dahil maituturing umano itong diskriminasyon at hindi ito magiging katanggap-tanggap.
Sa kabilang banda, walang nakikitang masama sa naturang konsepto si OCTA Research fellow Guido David, lalo na kung may sapat nang suplay nang bakuna.
Bagama’t hinihikayat ang lahat na magpabakuna bilang panlaban sa malalang epekto ng COVID-19, tandaang may choice pa rin ang bawat isa kung magpapabakuna o hindi.
Habang naninindigan ang iba na ayaw talagang magpabakuna, marami rin ang nagdadalawang-isip dahil hindi pa rin kumpiyansa sa pagiging epektibo ng bakuna.
Siguro nga, napakarami pang dapat pag-aralan at ikonsidera kung ipatutupad ang mungkahing ito, lalo na kung may maaapektuhang karapatang-pantao. Kaya pakiusap sa mga kinauukulan, pagtuunan muna ng pansin ang mas malalaki at kapaki-pakinabang na hakbang upang maiwasan ang hawaan ng virus.
Sa kabila ng milyun-milyong bilang ng mga nakapagpabakuna sa bansa, kailangan pa ring palakasin ang kumpiyansa ng taumbayan para hindi matengga at masayang ang suplay ng bakuna.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments