Mabilis na pagbabakuna at maasahang serbisyong pangkalusugan, ayos!
ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | January 19, 2022
Nitong nakaraang linggo, sinikap ng gobyerno na mas padaliin pa lalo ang proseso ng pagbabakuna. Ngayon, pinapayagan na ang walk-in admissions sa mga vaccination sites. Hindi na kailangan ng medical clearance upang magpabakuna. Magsasagawa rin ng house-to-house inoculations para sa mga kababayan nating hindi kayang magbiyahe o lumabas ng bahay para magpabakuna.
Matagal na tayong umaapela na pabilisin pa lalo ang pagbabakuna at kung maaari ay dalhin mismo sa bahay ang bakuna ng mga willing maturukan, pero hindi kayang pumunta sa vaccination sites.
Nagpapasalamat tayo sa gobyerno sa pagtugon sa ating apela na padaliin ang proseso ng pagbabakuna.
Tandaan, ang bakuna ang susi upang malampasan ang pandemyang ‘to kaya nararapat lamang na mabakunahan natin ang lahat ng mga kuwalipikadong Pilipino sa lalong madaling panahon upang maibalik sa normal ang ating mga pamumuhay.
Hinihimok natin ang lahat na mas pabilisin pa ang rollout ng ating mga bakuna. Kung maaari, dagdagan pa ang insentibo para maengganyo ang iba. Patuloy tayong mag-isip ng mga bagong paraan upang magawa ito para mapabilis ang muling pagbubukas ng ating ekonomiya.
Kung mas protektado tayo gamit ang bakuna, maaaring lumuwag ang mga patakaran at inaasahan nating mas maraming sektor ng ekonomiya ang mabubuksan. Mas marami sa ating mga kababayan ang makakapaghanapbuhay at muling makababalik sa kanilang trabaho. Ibig sabihin, mas mabilis tayong makakabangon mula sa hirap na dulot ng pandemya.
Subalit maingat nating balansehin ang proteksiyon sa buhay at pagpapalakas ng kabuhayan ng mga Pilipino. Huwag nating biglaing buksan lahat at baka mahirapan na naman ang healthcare system.
Ayaw nating mag-back-to-zero tayo ngayong dumarami ang bilang ng mga kaso.
Kaya, napakaimportante ng disiplina at kooperasyon. Sumunod tayo sa mga patakaran at higit sa lahat, hikayatin natin ang ating kapwa na magpabakuna. Nasa datos na karamihan ng malubhang kaso ng COVID-19 ay mga hindi bakunado.
Ngayong taon, sisikapin nating pabilisin pa lalo ang vaccination drive. Target ng gobyerno na mabakunahan na ang higit 77 milyong Pilipino, kasama ang kabataang edad 12 hanggang 17 bago matapos ang unang quarter ng 2022. Nais din nating makamit ang target na mabigyan ng booster shots ang higit 72 milyong Pilipino sa kalagitnaan ng taon.
Maliban sa pagbabakuna, kailangan din nating mas lalong pagbutihin ang ibang hakbang laban sa pandemya. Nagpapasalamat tayo sa mga inisyatibong inilunsad ng mga ahensiya, tulad ng pagbibigay ng homecare kits. Siguraduhin din nating may sapat na supply ng mga pangunahing gamot sa merkado.
Kailangan din nating gawing mas abot ng mamamayan ang iba’t ibang mental health care services, lalo na at marami sa mga tinamaan ng malubhang COVID-19 ay nakararanas din ng mental and behavioral conditions. Mas palawakin pa natin ang programang nagbibigay ng libreng mental health medicines and services, kasama na ang PhilHealth packages, lalo na sa malalayong lugar.
At para sa mga healthcare workers, siguraduhin nating naibibigay ng tama at on time ang mga benepisyong nararapat para sa kanila. Kaya umaapela tayo sa mga ahensiyang ibigay ang lahat ng suporta na nararapat para sa kanila. Huwag natin silang pahirapan dahil kung tutuusin, hindi matutumbasan ng anumang halaga ng pera ang kanilang sakripisyo para sa bayan.
Bilang Chair ng Senate Committee on Health, masaya tayong ibahagi na sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act, matapos nating ipaglaban ang mga ito, meron tayong P51 bilyon para sa COVID-19 risk allowance at compensation para sa mga healthcare workers natin.
Meron ding P17 bilyon para sa Human Resources for Health Deployment Program; P4.3 bilyon para sa COVID-19 Human Resources for Health Emergency Hiring; P873.6 milyon para sa Epidemiology and Surveillance; P313.8 milyon para sa Health Emergency Preparedness and Response sa oras ng emergencies at sakuna; P329 milyon para sa Health Facility Policy and Plan Development Program, kasama na riyan ang para sa operasyon ng ating One Hospital Command Center; P23 bilyon para mas pinabuting pasilidad sa ilalim ng Health Facilities Enhancement Program; P7.9 bilyon para sa COVID-19 Laboratory Network Commodities for testing; P730 milyon para sa operasyon ng Research Institute of Tropical Medicine, kasama na ang genome sequencing; P529.2 milyon para sa cancer treatment; P14.6 bilyon para sa operasyon ng mga Department of Health hospitals sa Metro Manila at P39 bilyon naman para sa mga DOH regional hospitals; at P48 bilyon para sa procurement ng COVID-19 booster shots.
Meron ding sapat na pondo para sa mga specialty hospitals, tulad ng Lung Center of the Philippines, National Kidney and Transplant Institute, Philippine Children’s Medical Center and Philippine Heart Center.
Tumataas man ang bilang ng mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa, naniniwala tayong marami na tayong natutunan sa loob ng dalawang taon. Pati ito ay kaya nating lampasan. Kumpiyansa tayo sa patuloy na pagmamalasakit at pakikipagbayanihan ng bawat Pilipino, mabilis tayong makababangon mula sa epekto ng pandemya bilang matatag at nagkakaisang bansa!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments