Mabigat na parusa vs. profiteering sa Noche Buena
- BULGAR

- 6 days ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | December 15, 2025

Nakakalungkot isipin na pati sa holiday season ay walang tigil sa taas presyo ang mga bilihin. Lagi na lang sa tuwing papalapit ang Pasko.
Kaya naman ngayong Noche Buena season, muling nagbabala ang Department of Agriculture (DA) laban sa labis na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing sangkap sa handaan, babala na may kasamang mabigat na parusa.
Ayon sa isang pahayag, iginiit ng DA na ang pagtaas ng presyo ng Noche Buena food items nang lampas 10 porsiyento ay maaaring maituring na profiteering.
Kabilang dito ang mga karaniwang sangkap tulad ng baboy, manok, at gulay, mga pagkaing hindi nawawala sa hapag-kainan ng pamilyang Pinoy tuwing Disyembre 24.
Ang profiteering, ayon sa DA, ay may kaakibat na multa mula ₱5,000 hanggang ₱2 milyon. Hindi dapat gawing pagkakataon ang Pasko para pagkakitaan ang pangangailangan ng masa. Totoong tumataas ang demand tuwing papalapit ang Noche Buena, ngunit hindi ito dapat maging dahilan para abusuhin ang konsyumer.
Sa gitna ng isyung ito, muling nabanggit ang kontrobersyal na pahayag ng Department of Trade and Industry na posible raw ang Noche Buena para sa pamilyang may apat na miyembro sa halagang ₱500, isang pahayag na umani ng batikos mula sa netizens at sektor ng manggagawa. Para sa maraming Pinoy, ito ay tila hiwalay sa realidad ng araw-araw na pamumuhay.
Bilang tugon, sinabi ng isang opisyal ng DA na mas mura ng ₱10 hanggang ₱15 ang presyo ng Noche Buena ingredients sa mga Kadiwa store sa buong bansa. Sa kasalukuyan, may humigit-kumulang 740 Kadiwa outlets na gumagana, karamihan ay pop-up stores, habang mahigit 100 naman ang permanenteng establisimyento. Nanatili rin sa ₱150 kada kilo ang maximum Suggested Retail Price ng sibuyas.
Mahalaga ang mga hakbang na ito, ngunit hindi sapat kung walang mahigpit na pagbabantay at tuluy-tuloy na suplay. Ang Noche Buena ay tradisyon, isang gabi ng sama-samang pagkain matapos ang isang taon ng pagsusumikap.
Ang tunay na diwa ng Pasko ay hindi nasusukat sa dami ng handa, kundi sa pagiging patas at makatao ng sistema. Kung mapoprotektahan ang mamimili at mapipigilan ang kasakiman, mas magiging makahulugan ang selebrasyon para sa bawat pamilyang Pilipino.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com







Comments