Mababang New Year injuries, good news!
- BULGAR

- Jan 3, 2021
- 2 min read
Updated: Jan 9, 2021
ni Ryan Sison - @Boses | January 3, 2021
Bagama’t hindi nangyari ang “zero casualty” na target ng Department of Health (DOH), bumaba naman ng 85% ang bilang ng mga taong nasaktan ng fireworks sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Base sa ulat ng DOH, nasa 50 ang nagtamo ng pinsala kung saan 49 ang dahil sa paputok, habang isa naman ang tinamaan ng ligaw na bala, bagay na mas mababa sa 340 kaso na naitala noong nakaraang taon. Wala ring naitalang insidente ng nakalunok ng paputok at nasawi ngayong taon.
Gayunman, sa kabila ng pagbabawal ng Metro mayors sa mga paputok, nanguna pa rin ang NCR sa pinakamataas na mga kaso na may 22 biktima.
Sa Metro Manila, pinakamataas ang naitala sa lungsod ng Maynila sa 12 biktima, pangalawa ang Caloocan City na may apat na kaso, Pasig at Quezon City na may tig-dalawa, Malabon at Marikina na may tig-isang kaso.
Bagama’t magandang balita na bumaba ang bilang ng mga nasaktan dahil sa paputok, kapansin-pansin pa rin na may ilang pasaway talaga dahil kahit ipinagbabawal, ayan at may nagpaputok pa rin sa Metro Manila.
Matatandaang ipinagbawal ang paggamit ng paputok sa Metro Manila sa pagsalubong ng Bagong Taon upang maiwasan ang firecracker-related incidents at banta ng COVID-19.
Gayunman, hangad nating matupad ang target ng pamahalaan na “zero casualty” sa mga susunod pang taon.
Sa kabilang banda, masyado pang maaga para magbabala, pero hindi pa huli upang magpaalala sa publiko dahil ilang araw matapos ang pagsalubong ng Bagong Taon, may mangilan-ngilan pa ring nagpapaputok at ilan na rito ay mga bata.
Panawagan natin sa mga kinauukulan at magulang, patuloy na bantayan ang mga nagtitinda at bumibili, lalo na ang mga bata.
At utang na loob, ‘wag tayong makampante at paigtingin pa ang pagbabantay sa mga kalye.
Siyempre, mas mataas ang tsansang walang masaktan kung lahat ay makikiisa, gayundin, kung talagang hihigpitan ang pagbabawal.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments