Maayos at maunlad na Pilipinas sa 2024
- BULGAR
- Dec 29, 2023
- 3 min read
ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | December 29, 2023
Ito na ang huling artikulong isusulat natin para sa taong ito at sa susunod na taon na tayo muling magkakasama-sama at sa lahat ng ating mga tagasubaybay, nawa ay magkaroon kayo ng masaganang Bagong Taon.
Sana ay magtuluy-tuloy ang mga biyayang pumapasok sa ating bansa bunga ng labis na pagpupunyagi ng kasalukuyang pamahalaan na hindi tumitigil upang mabigyan ng magandang kinabukasan ang ating mga kababayan.
Dapat nating bigyang-pugay ang kasalukuyang administrasyon hinggil sa maayos at maunlad na pagsalubong sa 2024 dahil sa pagsisikap nitong makapag-angkat ng trabaho at karagdagang hanapbuhay sa nagdaang buong taon.
Nais ko lang ibahagi ang katuwaan nating ito kasunod ng survey na inilabas ng Pulse Asia na mas marami sa ating mga kababayan ang umaasa na magiging mas maayos at maunlad pa ang ating bansa sa pagpasok ng taong 2024.
Base sa statistics, 92% ng ating populasyon ang nananatiling positibo na kayang-kaya nating harapin ang panibagong taon ng may nakikitang pag-asa at ang pagiging optimistiko ng ating mga kababayan ay isang magandang basehan upang lalong magsumikap ang pamahalaan.
Mataas ang kumpiyansa ng bawat Pilipino na magiging maganda ang pasok ng taon dahil sa pagsusumikap ng ating Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr.(P-BBM) na paigtingin pa ang pagdami ng mga trabaho rito sa ating bansa sa pamamagitan ng pag-secure ng mga oportunidad galing sa ibang bansa.
Nabatid na hindi lamang bilyong pisong halaga ng investment pledges ang naiuwi ni P-BBM kundi mahigit sa 200,000 job opportunities para sa ating mga kababayan sa kanyang opisyal na foreign trips mula sa huling quarter ng 2022 hanggang 2023.
Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI) ang mga biyahe ni P-BBM noong nakaraang taon ay lumikha ng 7,100 job opportunities mula Indonesia noong Setyembre 4-6; 14,932 naman mula sa Singapore noong Setyembre 6-7; at 98,000 mula New York noong Setyembre 18-24.
Nag-uwi rin si P-BBM ng 5,500 job opportunities mula sa pagbisita nito sa Thailand noong Nobyembre 16-17; 6,480 trabaho naman mula sa Belgium noong Disyembre 11-14; at 730 trabaho mula sa Netherlands noong nakaraang Disyembre 15-17 na bahagi ng department investment mission.
Para sa taong 2023, binisita rin ni P-BBM ang China noong nakaraang Enero 3-5 na nagresulta sa 32,722 trabaho; 24,000 job opportunities din ang naiuwi mula sa Japan nitong nagdaang Pebrero 8-12; 6,386 naman mula sa Washington, DC noong Abril 30 hanggang Mayo 4; at 8,365 trabaho pa mula Malaysia noong Hulyo 25-27.
Nagbitbit din si P-BBM ng 450 karagdagang trabaho nang bumisita ito sa Singapore noong Setyembre 14-17; dagdag 2,550 trabaho pa mula naman sa pagbisita nito sa U.S.
noong Nobyembre 14-17; at 15,750 ang nakuha sa Japan noong Disyembre 15-18.
Ayon kay Presidential Adviser on Investment and Economic Affairs Frederick Go, ang sinasabing PhP169 bilyong halaga ng investment pledges sa isinagawang pagbisita ni P-BBM sa Japan ay naisakatuparan na at naipagkaloob na sa ating mga kababayan ang libu-libong trabaho.
Kumbaga, hindi lang basta pangako ang nakalap ni P-BBM dahil sa pinakikinabangan na ito sa kasalukuyan ng marami sa ating mga kababayan at inaasahang madaragdagan pa ang mga oportunidad na ito sa mga darating na panahon.
Nasa tamang direksyon ang tinatahak nating landas tungo sa maayos at maunlad na bansa dahil sa walang humpay na pagsisikap ng ating pamahalaan para mag-angkat ng karagdagang negosyo at trabaho na kailangang-kailangan ng ating bansa.
Sana lang ay magtuluy-tuloy pa ang mga ganitong hakbangin at mas dumami pa ang mga pumapasok na investment at trabahong mabubuksan para sa ating mga kababayan na napakagandang simula nang pagpasok ng panibagong taon.
Malaking bagay na mapababa ng pamahalaan ang unemployment rate sa bansa at dahil sa ipinakikitang pag-asa ng ating mga kababayan ay hindi malayong mas maayos at maunlad na Pilipinas pa ang ating mararating.
Sa lahat ng ating mga kababayan na buung-buo ang pag-asa na tuluyan na tayong makaaahon sa kahirapan ay kaisa ninyo ang inyong lingkod sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Gawin nating ligtas at masaya ang pagpasok ng taong 2024 at nawa ay katigan tayo ng Maykapal ng isang masaganang ‘Pinas. Happy New Year!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments