ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Dec. 6, 2024
Dear Chief Acosta,
Matapos ang aming kasal, ang aking asawa ay kumuha ng life insurance at ako ang kanyang ginawang beneficiary. Dahil sa maselang pagbubuntis ko, naapektuhan ang kanyang trabaho kaya siya ay kalaunang nasisante. Nakahanap agad ako ng trabaho matapos kong manganak kaya ang aking asawa ang nag-alaga sa aming anak sa bahay. Unti-unti kong napansing nagbabago ang kanyang ugali. May mga pagkakataon na nakikita kong inaaway niya ang kanyang sarili. Madalas ko rin siyang nakikitang nagsasalitang mag-isa habang binabantayan ang aming anak, ngunit ito ay aking ipinagwalang-bahala sapagkat ako ay abala sa pagtatrabaho para matustusan ang aming mga gastusin. Hindi ko akalain na pagkauwi ko sa aming bahay ay ang kanyang bangkay ang sasalubong sa akin. Ako ay lumapit sa kanyang insurance company upang makuha ang proceeds ng kanyang kinuhang life insurance ngunit ako ay tinanggihan ng kumpanya. Maaari bang tanggihan ng isang insurance company ang life insurance claim dahil sa suicide? — Luzviminda
Dear Luzviminda,
Alinsunod sa Presidential Decree (P.D.) No. 612, na inamyendahan ng Republic Act (R.A.) No. 10607, o ang ating Insurance Code, ang isang insurance company ay mananagot lamang sa kasong suicide kung dalawang taon na ang lumipas mula sa petsa kung kailan na-issue o na-reinstate ang life insurance policy, maliban na lamang kung ang kontrata ay nagsasaad ng mas maikling panahon o kung ang pagpapakamatay ay dahil sa pagkabaliw. Ang patakarang ito ay nakasaad sa Section 183 ng Title 5 nito:
“Section 183. The insurer in a life insurance contract shall be liable in case of suicide only when it is committed after the policy has been in force for a period of two (2) years from the date of its issue or of its last reinstatement, unless the policy provides a shorter period: Provided, however, That suicide committed in the state of insanity shall be compensable regardless of the date of commission.”
Tulad ng ibang mga kontrata, kinakailangan na walang halong pandaraya ang pagkuha ng life insurance policy. Ito ay dapat walang layunin na makapagpahamak o magdulot ng panganib sa buhay ng iba, kung kaya’t kinakailangan din ng good faith at insurable interest bago makakuha ng insurance policy sa buhay ng isang tao.
Sa iyong sitwasyon, maaaring managot ang insurance company ng namatay mong asawa kung dalawang taon na ang lumipas mula sa petsa kung kailan na-issue ang kanyang life insurance policy. At kahit wala pang dalawang taon ang lumipas, maaari rin itong managot kung mas maikling panahon ang nakasaad sa nabanggit na policy o kung mapatutunayan mo na mayroong problema sa pag-iisip ang iyong asawa nang siya ay nagpakamatay.
Itinakda ng batas ang paglipas ng dalawang taon bago managot ang isang insurer upang sa mahabang panahon na iyon ay mabawasan ang posibilidad na ang maging intensyon ng pagkuha ng life insurance ang pagpapakamatay para makakuha ng salapi ang benepisyaryo. Gayunpaman, kung ang pagpapakamatay ay ginawa sa estado ng pagkabaliw, mananagot pa rin ang isang insurance company anuman ang petsa ng kamatayan. Hindi importante ang petsa ng kamatayan sa mga ganitong sitwasyon sapagkat kinikilala ng batas na ang isang taong nasa estado ng pagkabaliw ay hindi maaaring makapag-isip ng intrikadong pamamaraan ng panloloko sa insurer kung saan pinakalayunin ng pagpapakamatay ay upang makalikom ng salapi.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments