Search
  • BULGAR

Maaaring mag-file ng SSS salary loan application gamit ang My.SSS

@Buti na lang may SSS | April 05, 2021



Dear SSS,

Nais ko sanang mag-apply ng salary loan sa SSS. Paano mag-apply ng salary loan gamit ang inyong website? — Shawn


Sagot

Ang SSS salary loan ang isa sa mga pinakakilalang programa ng ahensiya para sa mga miyembro nito. Inilunsad ito ng SSS upang matulungan ang mga miyembrong matugunan ang kanilang dagliang pangangailangang pinansiyal.


Ang mabuting balita ay hindi na kailangang matungo sa sangay ng SSS upang mag-file ng salary loan. Maaari na itong gawin online sa pamamagitan ng My.SSS na matatagpuan sa SSS website, www.sss.gov.ph.


Bahagi ito ng patuloy na pagsisikap ng ahensiya na mapabilis at mapadali ang mga transaksiyon sa SSS. Dahil dito, unti-unting ginagawang available ng SSS ang iba’t ibang transaksiyon nito sa mga online platform tulad ng My.SSS. Isa na ang salary loan application sa mga nasabing transaksiyon. Kaya dapat tiyakin mong nakarehistro na sa My.SSS.


Upang makapagrehistro, maaaring magtungo sa aming website at i-click ang “MEMBER.” Dadalhin ka nito sa member login portal at i-click ang “Not yet registered in My.SSS?” upang masimulan ang pagrerehistro. Punan ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para mai-activate at magamit na ang account.


Kung mayroon ng My.SSS account, i-click ang “Member.” Mag-login gamit ang user ID at password. Sunod, i-click ang “I’m not a robot” at i-click ang “Submit.” Makikita ang mga tab ng “HOME,” “MEMBER INFO,” “INQUIRY,” E-SERVICES,” at “PAYMENT REFERENCE NUMBER (PRN).” Para mag-file ng salary loan, i-click mo ang “E-SERVICES” tab at sunod mong i-click ang “Apply for Salary Loan.”


Kung qualified, ipapakita sa iyo ang maximum amount na maaaring mautang sa SSS. Ngunit, mayroong drop down option kung saan maaaring pumili ng amount na gustong utangin ng hindi hihigit sa maximum amount. Basahin ang instruction na makikita sa screen.


Kung ikaw ay may employer, kailangang ilagay ang employer ID number, certifying employer at certifying employer branch location, kung aplikable sa iyo.


Sunod, i-click ang “I agree to the Terms of Service.” Pagkatapos nito, i-click ang “Proceed” o “Cancel” kung hindi mo nais ipagpatuloy ang aplikasyon. Ipapakita sa screen ang Disclosure Statement ng iyong salary loan at maaari itong mai-download bilang PDF file sa pamamagitan ng pag-click sa download icon o i-print gamit ang print icon na matatagpuan sa kanang itaas na bahagi ng screen. Kapag may kopya na ng iyong Disclosure Statement, i-click na ang “Submit.” Basahin nang maiigi ang Certification, Agreement and Promissory Note bago mo i-click ang “Proceed.”


Kung ikaw ay empleyado, makatatanggap ang iyong employer ng notice sa kanyang registered e-mail address na kinakailangang i-certify ang iyong salary loan application gamit ang kanyang SSS web account para ito ay maaprubahan. Makatatanggap ng notification sa iyong email na successful ang iyong loan application. Kapag naaprubahan na ang iyong loan application, makatatanggap ka ng abiso mula sa SSS sa pamamagitan ng SMS o text message. Ang text message ay naglalaman ng petsa ng aplikasyon, halaga ng nais mong mautang, petsa kung kailan ito naaprubahan at halaga ng loan na papasok sa iyong account. Dahil dito, mahalaga na updated ang iyong email address at mobile number sa My.SSS.


Mahalaga ring nai-enroll mo sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) kung saan mo nais diretsong pumasok ang iyong loan proceeds. Maaari mong i-enroll sa DAEM ang iyong bank account na nasa mga bangkong kabilang sa Philippine Electronic Fund Transfer System and Operations Network (PESONet).


Upang makapag-enroll sa DAEM, mag-login ka sa iyong My.SSS account. Magtungo ka sa “E-SERVICES” at i-click mo ang Disbursement Account Enrollment Module. Sundin mo ang lahat ng procedures at punan mo ang lahat ng kailangang impormasyon. Matapos nito, i-attach mo ang malinaw na kopya ng napili mong document na nagpapatunay na lehitimong sa iyo ang in-enroll mong account. Magpapadala ang SSS ng magkahiwalay na mensahe sa iyong e-mail address na natanggap na ang iyong account enrollment at ang status o resulta ng iyong enrollment.


Patuloy naming hinihikayat ang mga miyembro ng SSS na magparehistro sa My.SSS para mas mabilis at mas ligtas na paraan ng pakikipagtransaksiyon sa SSS.


◘◘◘


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "Philippine Social Security System" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates."


◘◘◘


Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.