by Info @Buti na lang may SSS | October 19, 2025

Magandang araw, SSS! Ako ay 62 taong gulang na at nais ko nang mag-file ng aking retirement benefit. Paano ba maging qualified sa monthly pension? Salamat. – Eric
Mabuting araw sa iyo, Eric!
Hinahangad ng Social Security System (SSS) na lahat ng Pilipino ay makatanggap ng buwanang pensyon sa kanilang pagreretiro sapagkat ang SSS ay itinatag bilang pension fund ng mga empleyado sa pribadong sektor at sa lahat ng kabilang sa informal economy.
Ang retirement benefit ay isang cash benefit na ibinibigay ng SSS sa miyembro nito na umabot na sa edad ng pagreretiro. Maaari itong ibigay ng lumpsum o kaya naman ay monthly pension.
Ang optional retirement age sa SSS ay 60, maliban sa underground o surface mineworker members kung saan ito ay 50 taong gulang. Ang technical retirement age naman ay 65, maliban sa underground o surface mineworker members kung saan ito ay 60, at 55 naman para sa mga miyembro na racehorse jockey.
Isa sa pinakamahalagang factor upang mag-qualify sa buwanang pensyon o monthly retirement pension ay ang bilang ng iyong buwanang kontribusyon sa SSS. Upang maging kuwalipikado sa retirement pension, ang isang miyembro ay dapat nakapaghulog ng hindi bababa sa 120 monthly SSS contributions. Hindi kinakailangan na tuluy-tuloy ang naging paghuhulog ng kontribusyon. Maaaring may laktaw ang paghuhulog. Ang mahalaga ay nabuno mo ang 120 monthly contributions bago ang pagpa-file mo ng retirement benefit application.
Kung hindi naman naabot ng miyembro ang 120 monthly contributions, hindi magiging kuwalipikadong tumanggap ng monthly pension. Subalit, siya ay maaaring makatanggap ng one-time lumpsum bilang retirement benefit niya.
Ito ang dahilan kung kaya aming hinihimok ang aming miyembro na bunuin man lang ang 120 months na SSS contributions na siyang minimum na bilang ng kontribusyon upang sa panahon ng kanilang pagreretiro ay makatanggap sila ng panghabang buhay na buwanang pensyon. Bukod sa monthly pension, ang mga retirement pensioners ay makatatanggap din ng 13th month pension tuwing Disyembre.
At kung ikaw ay mayroong pang menor-de-edad na anak sa iyong pagreretiro, siya ay maaaring makatanggap ng dependent’s pension na katumbas ng 10% ng basic monthly pension ng mo. Hanggang limang dependent minor children mula sa pinakabata ang qualified tumanggap ng dependent’s pension.
Dagdag pa rito, kailangang matiyak ng isang miyembro na mayroon siyang online account sa SSS (My.SSS Portal) sapagkat ang pagpa-file ng retirement benefit application ay online na. Dapat mayroon din siyang naka-enroll na disbursement account sa Disbursement Account Enrollment Module (DAEM) bago pa man ang pag-file ng benefit claim.
Sa kasalukuyan, ang pinakamababang monthly retirement pension ay P2,200.00 at ang pinakamataas na monthly retirement pension ay P24,350.98. Samantalang ang pangkaraniwang retirement pension ay nasa P5,632.22. Ang monthly retirement pension ay nakatakda pang tumaas ng 10% sa Setyembre 2026 at Setyembre 2027 para sa mga kasalukuyang SSS retirement pensioners.
Para sa karagdagang detalye at impormasyon tungkol sa SSS Retirement Benefit, hanapin lamang ang SSS Circular No. 2021 021 (Enhanced Online Filing of Retirement Benefit Claim through the My.SSS Portal).
***
Patuloy na tumatanggap ng aplikasyon ang SSS para sa bagong loan penalty condonation program nito. Inilunsad ang Consolidation of Past Due Short-Term Member Loans with Condonation of Penalty Program (Conso Loan) para tulungan ang mga miyembro na mayroong past-due loans sa SSS. Sa ilalim ng programa, hindi na sisingilin ang kaukulang penalties o multa ng kanilang past-due loans. Sa halip, ang tangi na lamang nilang babayaran ay ang orihinal o principal amount at interes nito.
Sakop ng Conso Loan ang salary loan, calamity loan, Salary Loan Early Renewal Program (SLERP), emergency loan at restructured loans gaya ng Loan Restructuring Program (LRP) noong mga nakaraang taon.
Samantala, maaari nilang bayaran ang prinsipal at interes sa pamamagitan ng one-time full payment, o kaya’y bayaran kahit 10% nito bilang down payment at ang natitirang balanse ay babayaran ng installment sa loob ng hanggang 60 buwan o limang taon, depende sa halaga ng kanilang pagkakautang.
Upang makapagrehistro sa My.SSS, maaari kang magtungo sa SSS website (www.sss.gov.ph) at magparehistro sa Member portal. Kailangang punan mo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Tandaan na ang irerehistrong e-mail address ay kailangang aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para i-activate at magamit mo ang iyong My.SSS account.
Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System - SSS” o sa X, ang dating Twitter, sa @PHLSSS. Maaari ring mag-subscribe sa YouTube channel sa “MYSSSPH”, at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates”. Maaari kayong magpadala ng inyong concerns at katanungan sa usssaptayo@sss.gov.ph.





