Luxury cars ng mga opisyal ng Pharmally, talupan!
- BULGAR
- Sep 21, 2021
- 2 min read
ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | September 21, 2021
Patuloy ang imbestigasyon sa Pharmally at sa bilyun-bilyong nakuhang kontrata sa Duterte administration noong nagsimula ang pandemya, kung saan naungkat maging ang mga sasakyan ng mga opisyal nito na talaga nga namang nakakalula ang mga presyo.
Ang presidente ng Pharmally ay may 2021 Lamborghini Urus na nagkakahalaga umano ng P25-M, habang ang direktor naman nito ay may Porsche Carrera 4S na may halaga umanong P13. 5-M, samantalang ang corporate secretary/treasurer naman at may dalawang sasakyan na ang isa ay nagkakahalagang P80.5-M habang higit P5-M naman ang isa pa.
Isipin mo, tatlong opisyal pa lamang ‘yan. Ilang mahihirap na pamilyang Pinoy na kaya ang makikinabang sa halagang ‘yan kapag sinuma-total? Napakalaking bagay sana ‘yan, lalo na sa panahon ng pandemya.
Pero ang masaklap, lahat ‘yan nabili ng mga opisyal ng kumpanyang kulang ang kapital para ipatupad ang kontrata. Pero nakahiram naman sila, ‘di ba?
Magkano naman kaya ang kinita ni Michael Yang sa kanyang pinautang sa Pharmally? Kung ganyan kamahal na sasakyan ang nabili ng mga opisyal matapos makuha ang kontrata, siguradong may kinita rin si Yang, ‘di ba? Magpapahiram ka ba sa negosyo na walang kita, lalo na’t ganyan kalaki?
Wala namang masama sa pagbili ng mamahaling sasakyan kung pinaghirapan at may karapatan at kakayanan naman. Pero ang kinukuwestiyon dito ay ang napakabilis lumaki ng kumpanyang Pharamally lalo na’t hindi kalakihan ang kapital. Ang babata pa ng mga opisyal para kumita ng ganyang kalaking halaga. Ang iba riyan, nakabibili lang ng ganyang sasakyan kapag matagal nang may negosyo at may edad na para ma-enjoy ang kinita.
At para makabili ng ganyang kamahal na sasakyan, siguradong napakalaki ng kinita ng Pharmally. Lahat ‘yan sa loob lamang ng isa’t kalahating taon. Paano kumita ng ganyang kalaki? ‘Yan ang iniimbestigahan ng Senado, kasama ang overpricing, pinaboran ng gobyerno dahil tila may padrino at kung ano pa. Hindi dapat pinatitigil o binabalakid ang imbestigasyon dahil mga kaibigan o kilala ang sangkot.





Comments