Lumipat na sa AllTV… MARIEL, UMAMING BIGLA NA LANG UMALIS SA IT'S SHOWTIME NANG 'DI NAKAPAGPAALAM
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | November 23, 2022

Nagbabalik sa telebisyon si Mariel Rodriguez via her new show sa bagung-bago ring network na AllTV Channel 2. Isa siya sa mga hosts ng morning talk show na M.O.M.S (Mhies On a Mission) kasama sina Ruffa Gutierrez and Ciara Sotto.
Humarap kahapon sa isang media conference ang tatlo kasama ang presidente ng AllTV na si Ms. Maribeth Tolentino at aminado si Mariel na talagang na-miss niyang dumalo sa ganitong event since medyo matagal-tagal na nga siyang inactive sa showbiz.
Isa sa mga naitanong kay Mariel ay kung okay ba sa kanyang mister na si Sen. Robin Padilla na magbalik siyang muli sa pagho-host.
“Robin is very, very supportive. Sobra!” sambit ni Mariel.
Alam nga raw ng asawa niya na magkakaroon sila ng presscon at excited daw ito.
“He’s super happy na kami, magkakasama (nina Ruffa and Ciara),” dagdag niya.

Noong bago pa nga raw ang pagsasama nila, akala niya ay patitigilin siya ni Robin sa pagtatrabaho at pag-aalagain na lang ng mga bata.
“Pero I’ll never forget na sabi niya, ‘Hindi, 'wag! Dapat, gawin mo pa rin ‘yung ginagawa mo.’
I feel that he knows na ‘yun ako and we cannot lose ourselves, no matter how much we love our husband, our family, our kids, we shouldn’t lose ourselves,” pahayag pa ni Mariel.
Pero siyempre, priority pa rin niya ang kanyang pamilya at nagagampanan naman daw niya ang kanyang responsibilidad bilang asawa at ina.
“That’s why, I am so, so grateful sa AllTV. Nu’ng sinabi ko sa kanila na ‘Ito lang po ang kaya kong ibigay, kasi nanay po ako. My kids are small, they still need me.'
“So, I am so, so grateful na binigyan nila ako ng show na ito knowing na nanay po ako. And at the same time, while I’m doing this, I promise, ako rin, I will give my best sa kanila,” sey ni Mariel.
Matagal na rin namang wala sa ABS-CBN si Mariel pero kinailangan pa ba niyang magpaalam sa network nang tanggapin niya ang offer ng AllTV?
“Parang hindi naman although I did it, and alam mo kung kanino lang ako nagsabi, sa totoo lang?
Du’n sa mga It’s Showtime hosts kasi umalis ako ru’n sa group chat. May group chat ‘yung mga Showtime hosts.
“Eh, nahihiya naman ako na mag-i-start ako ng new show, tapos nandu’n ako sa group chat.
So, umalis ako,” kuwento niya.
Nag-message rin daw siya kay Vice Ganda at ipinaliwanag na kaya siya umalis sa GC ay dahil nga may gagawin siyang bagong show.
“Tapos, ang ganda ng sabi niya, ‘O, galingan mo d'yan, wala ka namang masamang tinapay na iniwan dito sa Showtime, so good luck, galingan mo, panonoorin kita.’ ‘Yun ang sabi niya.
“So, nakakatuwa na ganu’n ‘yung ano. But I didn’t have to really, because nga, matagal na akong inactive, 'di ba?” ani Mariel.
Matatandaang dating isa rin sa mga hosts ng It’s Showtime si Mariel at tumigil na lang siya nang mabuntis sa kanyang panganay na anak nila ni Binoe hanggang hindi na siya nakabalik dahil nadagdagan pa ulit ng isa ang kanilang anak at nag-concentrate na siya sa kanyang pamilya.
Six years ding hindi napanood si Mariel sa TV kaya naman sobrang excited siya plus first time pa niyang makakatrabaho sina Ciara and Ruffa.
Magsisimula na sa Lunes, November 28, ang M.O.M.S. at mapapanood ito from Mondays to Fridays, 11 am to 12 noon.





Comments