Lumalakas ang panawagan na muling sumailalim sa ECQ
- BULGAR
- Mar 17, 2021
- 3 min read
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 17, 2021
Kabi-kabila na ang panawagan mula sa iba’t ibang grupo at indibidwal kabilang na ang ilang manggagamot na napapanahon na umano upang muling isailalim sa enhanced community quarantine ang buong Metro Manila at ilan pang apektadong lugar.
Sa personal nating opinyon ay nais nating magtuluy-tuloy na sana ang pagbubukas ng ekonomiya ngunit dahil sa muling pagtaas ng mga kaso ay wala tayong magagawa kung hindi ang sumunod muna sa pamahalaan.
Mula pa noong Marso 5 ay naglalaro na sa 3,000 hanggang 5,000 kada araw ang naitatalang kaso ng COVID-19 na bahagya na sanang bumagal noong Agosto 2020 ngunit muling tumaas.
Naiipit ngayon sa sitwasyon ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease (IATF) sa pagitan ng kalusugan at kabuhayan ng marami sa ating mga kababayan na nakararanas na ng gutom sa gitna ng pandemya.
Nagbalik ang takot na nararamdaman ng ating mga kababayan dahil sa ilang araw ng halos 5,000 kada araw ang nahahawa sa COVID-19 at nakadagdag pa lalo sa nerbiyos ng marami ang hindi na mabilang na nagsusulputang bagong variant ng virus na ito.
Aligaga na rin ang marami dahil napakarami ng lugar sa Metro Manila ang kasalukuyang naka-lockdown dahil sa biglaang paglobo ng kaso ng COVID-19 at pami-pamilya na ang nahahawa.
Nakadagdag pa ang ramdam nang pagdagsa ng mga pasyente sa mga pagamutan at naglalabasan na ang mga ulat na unti-unti na umanong napupuno ang ating mga pagamutan.
Isa ito sa malaking alalahanin ng ating mga kababayan dahil posibleng kayanin pa ng mga pagamutan ang pagdagsa ng mga pasyente ngunit tiyak na hindi na matutugunan ng tamang gamutan ang mga ito dahil sa kakulangan ng mga doktor.
Hindi natin maialis na hindi mangamba ang ilan sa ating mga kababayan lalo pa at inanunsiyo ng OCTA Research Team ng University of the Philippines (UP) na posibleng umabot sa 8,000 kada araw ang kaso ng COVID-19 hanggang sa katapusan ng Marso.
Kung hindi pa rin umano maaampat ang sitwasyon ay inaasahang aabot na sa 18,000 hanggang 20,000 kada araw ang magiging kaso ngayong Abril at kung mangyayari ito ay hindi na natin alam kung paano pa ito tutugunan ng ating mga pagamutan.
Ayon naman sa Department of Health (DOH), katigasan ng ulo ng marami sa ating mga kababayan ang nakikitang dahilan kung bakit muling tumaas ang kaso dahil sa marami ang nagpapalusot sa pagsunod sa health protocol.
Bibili ng facemask pero sa baba naman isinusuot, sayang din ang pera sa face shield dahil sa ulo naman nakalagay na kaya lamang nila isinusuot kahit mali ay upang huwag masita at hindi ingatan ang sarili tapos hindi rin sinusunod ang physical distancing lalo pa kung walang bantay.
Lubhang napakabilis na nang pagkalat ng COVID-19 kumpara noong nakaraang taon dahil nagsala-salabat na ang mutations na nagresulta sa mga panibagong variant kaya ang isang positibo ay posibleng makahawa ng dalawang indibidwal na sabay sa isang iglap lamang.
Alam naman natin kung gaano kahirap ang pagsunod sa physical distancing lalo na sa mga pamilihan ngunit wala tayong ibang magagawa kung hindi ang sumunod at huwag kalimutang bigyan ng proteksiyon ang sarili.
Nag-mutate na rin kasi ang mga pasaway, pati ang mga pilosopo na santambak ang katuwiran kapag sinisita, ang mga manginginom sa mga looban lalo na sa mga probinsiya ay nananatiling tagay-tagay o iisang baso langam ang ginagamit.
Sana rin ay hindi inaayon ng mga tao kung gaano kahigpit ang ipinatutupad na quarantine sa taas ng kaso ng COVID-19 na kapag mahigpit ay maraming kaso pero kapag nagluwag ay wala ng kaso at maaari nang mag-relax.
Alalahanin din natin na may mga nahawa sa COVID-19 na umaabot ng milyong piso ang gastos depende sa kaso at kalaunan ay binabawian din ng buhay kaya dapat talagang doble-doble ang pag-iingat.
Paulit-ulit at dapat isaksak sa isip ng ating mga kababayan na bukod sa bakuna ay wala nang ibang solusyon para hindi tayo mahawa sa COVID-19 kung hindi ang magsuot ng facemask, face shield, pagsunod sa physical distancing at regular na paghuhugas ng mga kamay.
At kaya natin ito, kaya nga kung may panawagan na ibalik tayo sa ECQ ay maraming negosyante naman ang tutol sa mas mahigpit na community quarantine upang umusad naman ang ekonomiya kahit paano.
Nagawa na natin minsan na mapabagal ang pagkalat ng COVID-19 at naniniwala tayo na muli natin itong magagawa at ang susi lamang dito ay ang pagsunod nating lahat sa health protocol.
At sa mga nakatalaga sa pagbabakuna, alam nating gumagalaw na kayo, pero sana ay dagdagan n’yo ang pagsisikap na mapabilis ito bago pa mahuli ang lahat.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments