Search
  • BULGAR

Lubog sa utang, walang pera kaya kumalas ang Jiangsu sa ACL

ni Anthony E. Servinio - @Sports | March 2, 2021





Nagulantang ang mundo ng Football hindi lang sa Tsina kundi ramdam na rin sa buong Asya ang biglaang paghayag ng pagbuwag ng Jiangsu, ang kampeon ng 2020 Chinese Super League, nitong Linggo. Dahil dito, tiyak na mababalasa muli ang mga kalahok sa parating na 2021 AFC Champions League (ACL) kung saan kalahok din ang mga pambato ng Philippines Football League (PFL) na United City at Kaya Iloilo.


Katatapos lang magbago ng kalendaryo ang ACL bunga ng pagtanggal sa lisensiya sa Shandong, ang kampeon ng 2020 Chinese FA Cup. Kung susundan ang patakaran, maaaring pumasok sa torneo ang Chongquing na nagtapos sa ika-anim na pwesto sa 2020 CSL.


Aakyat ang Shanghai Port sa group stage kapalit ng Beijing sa Grupo I at makakalaro ang United City. Kung magwawagi ang Kaya sa Abril 7 sa playoff kontra sa Brisbane Roar ng Australia, sunod nilang haharapin ang Chongquing sa Abril 14 para sa ika-apat at huling pwesto sa Grupo F.


Makakapasok ang Chongquing dahil Shandong ang ika-limang koponan sa CSL. Parehong suliranin sa pananalapi at utang ang tinuturong dahilan ng dalawang koponan subalit mas malala ang sinapit ng Jiangsu na tumulak sa may-ari na isara ito.


Samantala, lalong nabawasan ang hanay ng United City sa paglipat ni Takashi Odawara sa Maziya ng Maldives. Magsasama muli sila roon ng dating coach ng Ceres Negros na si Coach Risto Vidakovic. Isa-isang umalis sa kampeon ng 2020 PFL sina OJ Porteria, Dennis Villanueva, Manny Ott at Robert Lopez Mendy. Tanging si goalkeeper Anthony Pinthus ang nauulat na nakapirma at hinihintay pa ang susunod na aksyon ng mga bituing sina Stephan Schrock at Bienvenido Maranon.


Unti-unti binubuo ng Kaya ang kanilang koponan sa pagpirma ng bagong kontrata ni goalkeeper Zach Banzon. Naunang pumirma ng kanilang kontrata ang mga magbabalik na sina Dylan de Bruycker at Daizo Horikoshi. Kaugnay nito, inihayag ni Coach Ernie Nierras ng Stallion Laguna na pinayagan nila ang paglipat nina Jhan Melliza at Fitch Arboleda sa hindi pa tinutukoy na koponan na sasabak sa 2021 ACL. Planong magbukas ang 2021 PFL sa Abril sa pamamagitan ng pagbalik ng Copa Paulino Alcantara.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.