Lotteng gambling lords, tapos na ang happy days niyo!

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 29, 2024

HINDI NAGKAMALI SI PBBM SA PAGTALAGA KAY GM MEL ROBLES SA PCSO KASI SIYA LANG ANG BUMANGGA SA MGA BALATUBANG STL OPERATORS -- Sa mga naging general manager ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay si GM Mel Robles ang da best at may “balls” na banggain ang mga balatubang Small-Town Lottery (STL) gambling lords.
May nakuha kasi tayong impormasyon na walang takot na hindi na nire-renew ni GM Robles ang prangkisa ng mga balatubang jueteng lords-turned STL operators na hindi nagre-remit o nagbabayad ng tamang buwis sa pamahalaan.
Hindi nagkamali si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa pagtalaga kay si GM Robles sa PCSO kasi siya lang ang nakagawa na walang takot niyang hindi nire-renew ang prangkisa ng mga balatubang gambling lords, palakpakan naman d’yan!
XXX
MGA MANGRARAKET NA LOTTENG GAMBLING LORDS NA KUMUKUMPETENSYA SA E-LOTTO, NEXT TARGET NI PCSO GM MEL ROBLES -- Ngayong binabangga na ni PCSO GM Mel Robles ang mga balatubang STL operators, asahan nang babanggain na rin nito ang mga gambling lords ng lotteng na kumukumpetensya sa legal na E-Lotto ng PCSO.
Mula kasi nang ilunsad ng PCSO ang E-Lotto, may mga gambling lords na rin ang nagpa-lotteng sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila, kanya-kanya silang raket, kina “Boy Abang,” “Lorna” at “Paknoy” sa Maynila; “Haruta” at “Joy” sa Parañaque, “Onie” sa Las Piñas; “Toto” sa Makati; "Edmon" sa Caloocan; "Mario Bokbok" at "Judy" sa Malabon; at "Brown," "Bryan," "Alan," "Lumbad," "Miranda," "Neth" at "Boy" sa Quezon City.
Kaya kapag si GM Robles ay nakipag-ugnayan na kay PNP Chief, Gen. Rommel Marbil, asahan nang tapos na ang happy days ng mga mangraraket na ito, abangan!
XXX
4 POLICE GENERALS, ‘NGANGA’ SA RAKET NA LOTTENG -- Tungkulin ng mga pulis ang puksain ang mga ilegalistang nangraraket sa kanilang mga nasasakupan, lalo na sa mga gambling lords na kumukumpetensya sa mga games ng PCSO.
Kaya’t kuwestiyonable talaga kung bakit “nganga” lang sa mga maglo-lotteng sina Manila Police District (MPD) Director, Brig. Gen. Arnold Ibay, Southern Police District (SPD) director, Brig. Gen. Mark Pespes, Northern Police District (NPD) Director, Brig. Gen. Rizalito Gapas at Quezon City Police District (QCPD) Director, Brig. Gen. Redrico Maranan, period!
XXX
IMBES MAWALA, MAS LALO PANG DUMAMI ‘TONGPATS’ COLLECTOR SA CALABARZON -- Arestado at nakakulong na ang “tongpats” collector na gumagamit sa pangalan ni PNP Chief Gen. Marbil na si Deanson Magsino, pero imbes matigil na ang “tongpats” collection sa mga ilegalista sa Cavite, Laguna, Batangas, Rizal at Quezon (Calabarzon), ay mas dumami pa kasi kung dati ay sina alyas "Paquito," "Rico," "Adlawan," "Dave" at "Chard" lang ang mga kolektor ng payola, ay nadagdagan pa ang mga nanghihingi ng intelihensya at sila ay sina alyas "Steve," "Gastos," "Calingasan," "Panganiban," "Ilao," at "Jamie."
Ganyan karami ang mga “tongpats” collector sa Calabarzon na nasa jurisdiction ni PNP-Region 4-A Director, Brig. Gen. Kenneth Lucas, boom!




Comments