top of page

Lolo, dati rin daw jeepney driver… KYLINE, MAMIMIGAY NG FREE GAS

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 5 hours ago
  • 2 min read

ni Vinia Vivar @Frankly Speaking | April 11, 2026



Kyline Alcantara - Instagram

Photo: Kyline Alcantara - Instagram



Binabalak ng Kapuso actress na si Kyline Alcantara na magbigay ng tulong sa mga taong apektado ng pagtaas ng gasolina.


Sa panayam sa 24-Oras, sinabi niyang plano niyang magpunta sa isang gasoline station at mamigay ng libreng gasolina.


“Gusto kong pumunta lang sa isang fuel station,” sey niya.


Aniya, inspirasyon niya ang kanyang lolo na dating jeepney driver.

“It’s like an homage to my lolo na jeepney driver before sa Bicol,” sabi ni Kyline.


Tulad ng marami ay apektado rin si Kyline ng pagmahal ng presyo ng gasolina kaya may mga cost-cutting methods din siyang ginagawa.


“Bawas sa paglabas-labas para ‘di masyadong magastos sa gas. Bawas talaga sa lahat ng expenses. Sa bahay, as much as possible, sarado lahat, naka-unplug lahat ng kailangang i-unplug,” saad ng aktres.


Tama naman, mga Ka-BULGAR!





Suportado ng Gabriela Women’s Party ang reklamo ni Xyriel Manabat laban sa Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver na nambastos sa aktres sa social media.


Naglabas ng statement si House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago sa kanilang Facebook (FB) page at kinondena ang ginawa ng driver na pagpo-post ng malisyosong komento sa kanyang social media account.


“Kinokondena namin sa Gabriela Women’s Party ang asal ng isang TNVS driver na nagpakalat ng litrato at nagbitiw ng malaswang komento laban sa aktres na si Xyriel Manabat. ‘Di kailanman katanggap-tanggap na gawing katatawanan o ‘content’ ang pambabastos sa kababaihan,” saad ni Elago.


“Ang insidenteng ito ay malinaw na halimbawa ng laganap na kultura ng pambabastos at sexual harassment na patuloy na nararanasan ng kababaihan kahit sa simpleng pagpasok sa trabaho,” patuloy niya.


Nanawagan din siya sa lahat ng ride-hailing platforms na igalang ang bawat pasahero at tiyakin ang kaligtasan ng mga ito.


“Nananawagan kami sa mga ride-hailing platforms na tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga pasahero. Dapat may agarang aksiyon laban sa mga driver na lumalabag sa karapatan at dignidad ng kababaihan.


“Kagyat (agad) ding ipatupad ang mandatory gender sensitivity trainings at anti-sexual harassment seminars para sa lahat ng TNVS drivers. Dapat malinaw na nauunawaan ng bawat driver na ang kanilang serbisyo ay may kaakibat na responsibilidad na igalang ang karapatan, seguridad at dignidad ng bawat pasahero,” saad niya.


“Buo ang aming suporta kay Xyriel sa kanyang paninindigan na panagutin ang may sala. Sa bawat pambabastos na pinapalampas, lalo lamang pinapalakas ang kultura ng karahasan kaya dapat itong labanan,” pahayag ni Elago.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page