top of page
WINNER - MALE FAN, NAG-PROPOSE KAY ALEX EALA SA HARAPAN NG PADIR_FB Alex Eala.jpeg

Lolang street sweeper, kinaladkad ng delivery van

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 15 hours ago
  • 1 min read

ni Maeng Santos @News | August 29, 2026



Streetsweeper nakaladkad ng delivery truck - Koy'zky Spotted PH via page of Wes Gatchalian

Photo: Streetsweeper nakaladkad ng delivery van - Koy'zky Spotted PH via page of Wes Gatchalian



Malubhang nasugatan ang 63-anyos na lolang street sweeper matapos makaladkad ng delivery van sa Valenzuela City.


Kinailangang operahan sa balikat at mga paa ang biktimang si alyas Cora, sa Philippine Orthopedic Center matapos siyang ipalipat ni Mayor Wes Gatchalian mula sa Valenzuela Medical Center kung saan una siyang isinugod noong Martes ng umaga, Agosto 25.


Sa ulat ng tanggapan ni NPD Director P/BGen. Benliner Capili, dumaraan ang delivery van ng J&T Express na minamaneho ng 51-anyos na tsuper sa Brgy. Gen. T. De Leon alas-6:49 ng umaga nang sumabit sa hulihang bumper nito ang nakalaylay na kable na aksidente namang pumulupot sa katawan ng biktima na dahilan upang makaladkad siya at tumama pa ang katawan sa poste ng kuryente.


Noong Huwebes, personal na dinalaw ni Mayor Wes sa pagamutan ang biktima bago nagpatawag ng pagpupulong sa mga kinatawan ng courier service at Meralco upang alamin ang kabuuang detalye sa nangyaring insidente.


Nangako naman ang J&T na sasagutin ang gastusin sa operasyon ng biktima at agad nagpadala ng paunang tulong na P200,000 habang tiniyak din ng Meralco na magbibigay sila ng tulong kahit na naglabas sila ng patunay na hindi sa kanila ang kableng nakalaylay na ikinabit sa kanilang poste.


Sa kabila nito, mahaharap pa rin sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Serious Physical Injuries ang driver ng delivery van, habang inutos na rin ng alkalde sa CSWDO na magkaloob ng kinakailangang pinansiyal na tulong sa pamilya ng biktima.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page