LIZA, WALA NANG SHOWS AT ENDORSEMENTS, FAN NA LANG NGAYON NG K-POP
ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | February 25, 2023

Sa Showbiz Update YouTube channel nina Ogie Diaz at Mama Loi kasama si Tita Jegs ay nabanggit ng una na nanghihinayang siya sa dati niyang alagang si Liza Soberano dahil nawalan na ito ng kinang sa ngayon.
Walang halong bitterness ang pagkasabi ni Ogie na nanghihinayang siya dahil simula nang magpalit ng manager si Liza sa management company ni James Reid ay wala pang malinaw kung ano ang career ngayon ng aktres.
Malaking katanungan din para sa madlang pipol, lalo na sa mga followers ni Liza sa Instagram, kung bakit nawala lahat ang mga posts nito, at inisip nga ng marami na baka na-hack.
Good thing na nagparamdam na muli ang aktres nitong Miyerkules. May post na si Liza ng series of photos na paniwala ni Ogie ay pagbabago ito ng kanyang buhay.
Say ni Ogie, “Nanghihinayang ako sa career ni Liza, wa' echos, kasi nandoon na siya.
Siyempre, nahe-hurt ako bilang former manager na nakakabasa ako ng ‘Ano nang ginagawa ni Liza sa sarili niya? Bakit nag-iiba na siya ng direksiyon? Bakit noong nandoon pa siya sa ABS-CBN o kay Ogie Diaz, maganda naman o maayos naman ang palakad sa kanya? Bakit nagiging fan na lang ng K-Pop si Liza?’ 'Yung mga ganu'n.
“Siyempre, hindi ko naman alam ang isasagot ko sa mga fans dahil unang-una, hindi na ako ang manager. Nanghihinayang lang ako kasi pinaghirapan naming lahat ‘yun kung nasaan siya nandoon.”
Dati-rati raw kasi ay kaliwa’t kanan ang TVC ni Liza, pero ngayon ay madalang na siyang makita.
“Siyempre, hindi natin alam kung 'yung mga suki ng endorsements ng mga brands ni Liza ay uulit pa lalo na’t hindi nila nakikita locally o sa mga palabas sa TV si Liza dahil pinili na nga niyang sa US sumubok at magbakasakaling makilala siya,” sambit ng ex-manager ng aktres.
Dagdag pa nito, “Pero siyempre, alam ko naman ang kabuhayan nina Liza. Alam ko naman na lahat ng meron siya ngayon ay dahil din sa kanya, sa pag-aartista niya. Hindi naman siya bago nag-artista ay mayaman na sila.
“Kaya ako nanghihinayang bilang former manager, doon sa mga nakakawalang proyekto para kay Liza, kasi hindi rin naman nagkulang ang ABS-CBN ng pitching sa kanila ni Enrique Gil, pero wala silang inaaprubahan.”
Nabanggit din ni Ogie na wala na sa Star Magic si Enrique at dahil may mga videos siyang nasa Amerika ay posibleng may niluluto rin itong project ngayon lalo’t bago na rin ang manager niya, si Ranvel Rufino na anak ng Viva executive na si June Rufino.





Comments