Liwanag sa dilim sa nakaraang halalan
- BULGAR
- May 17
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 17, 2025

Natapos na noong nakaraang linggo ang conclave, at natapos na rin noong nakaraang Lunes ang midterm election 2025 sa ating bansa.
Nagulat ang lahat sa pagkakahalal ng bagong Santo Papa dahil hindi ito kasama sa mga pinag-uusapan ng mga kardinal.
Mainit ang diskusyon at pangangampanya para sa mga nangungunang kandidato sa pagka-Papa sa social media. Ganoon din ang nangyari sa ating bansa.
Inisip ng marami na tiyak na mananalo ang mga sikat na kandidato dahil kilala na sila sa telebisyon at pelikula. Inisip din ng ilan na siguradong magwawagi ang mga miyembro ng mga dinastiya at matagal nang nasa puwesto.
Ngunit, marami ring hindi alam ang mga tao na hindi kasama sa conclave na nababalot sa matinding misteryo at lihim.
Marami ring hindi inaasahang mangyari sa nakaraang halalan na nakasanayan na tuwing halalan.
Kaya’t ganoon na lang ang gulat ng lahat nang lumabas sa balkonahe ng Basilica ng San Pedro ang bagong Pope Leo XIV na dating Kardinal Robert Francis Prevost. Isang Amerikano ang naging Santos Papa.
Hindi taga-Asia o taga-Africa. Hindi Amerika Latina kundi isang Amerikanong ipinanganak sa Chicago, Illinois, USA. Paano nangyari ito at walang mga poster. Walang kampanya sa television, radio, diyaryo, online. Tiyak na merong mga bulung-bulungan at hanggang doon na lang. “Dark horse” daw ang naging Santo Papa, na sabi ng ilang hindi lang “dark horse” kundi very, very dark horse.
Marami ang nag-aagawan sa suporta ng mga botante at palakihan ng mga billboard ads. Marami rin ang mga maliliit na posters na nakasampay sa gitna ng mga kalye.
Naririyan din ang sari-saring pagbili at pagbebenta ng boto. Malinaw ang ibig sabihin nito, dadaloy at napakalaking salapi at imumudmod ng mga kandidato sa mga botante.
Ipagbabawal daw ng Comelec ang pagbebenta at pagbili ng mga boto ngunit nakalusot pa rin ito dahil laganap na ito at hindi kung sinu-sino lang ang gagawa nito. Mula sa pinakamalakas at pinakamayaman hanggang sa pinakamaliit at pinakamahirap. Ganyan ang tindi ng kamandag ng salapi sa pulitika, ang tindi ng kultura ng ayuda at kultura ng pagsandal at pag-asa sa pulitiko.
Ngunit, sa hindi inaasahang pagkakataon, bumoto ang mga kabataan, ang mga millennial at ang Gen Z. Kitang-kita ang epekto ng “botong kabataan.” Hindi nanalo ang maraming mga artista tulad nila Willie Revillame, Philip Salvador, Bong Revilla, Lucky Manzano at iba pa. Hindi rin nanalo ang ilang kilalang mga reelectionist na galing sa mga makapangyarihang pamilya tulad nina Gwen Garcia at Cynthia Villar. Bagama’t hindi nanalo ang mga alternatibong kandidato tulad nina Heidi Mendoza, Ka Leody de Guzman at Atty. Luke Espiritu, mas maganda pa rin ang puwesto ng mga ito kumpara sa dating Senador Manny Pacquiao.
Kung titingnan naman ang mga nanalong kandidatong alternatibo tulad nina Kiko Pangilinan at Bam Aquino, Ciel Diokno ng Akbayan Partylist at Leila de Lima ng ML Partylist, malinaw ang papel ng mga kabataang naninindigan at nagsusulong na ng tunay na pagbabago, at tunay na pulitika.
Hindi aksidente at hindi suwerte ang umiral sa nakaraang halalan. Sa paraang hindi natin nakikita at inaasahan tulad ng nangyari sa conclave, meron ding naganap na hindi natin nakikita at inaasahan at hindi lubos na naiintindihan sa nakaraang halalan sa ating bansa.
Bagama’t hindi pa lubos na naipapaliwanag ang konsepto ng Simbalota, tila sa iilang napaliwanagan namin tungkol sa kahalagahan ng pag-aaral, pagbabahaginan, pagsusuri at panalangin, naroroon na ang diwa ng pagtitiwala at paghingi ng tulong sa Panginoong Diyos, Diyos ng katotohanan, Diyos ng pag-asa.
Ganoon na lang ang galak ng marami nang lumabas si Papa Leo XIV sa balkonahe ng Basilica ng San Pedro sa kauna-unahang pagkakataon. Hindi inaasahang maging pope si Kardinal Robert Francis Prevost dahil hindi siya llamado at hindi nababanggit sa mga kilalang social media accounts. Subalit hindi matatalo, hindi matatawaran ang Diyos ng mabuting balita, na Siya ring Diyos ng sorpresa.
Hindi pa kumpleto ang sorpresa. Hindi rin natin alam kung ano ang mangyayari ngayon sa pamumuno ng bagong pope at sa pagkakahirang ng mga kandidatong galing sa oposisyong pinilit sirain ng nagdaang administrasyon.
Ngayon, sa gitna ng sorpresa at pagkamangha, ano ang ating gagawin? Napakarami! Hindi dapat magrelaks at maging kumpiyansa ang lahat. Dahil sa tinanggap na biyaya, kailangang gamitin ito sa lubos at wagas na paglilingkod. Kailangan pang palalimin ang panalangin at patatagin ang pananampalataya sa Diyos habang hindi nagpapabayang mag-aral, sumuri at kumilos para sa kapakanan ng lahat.
Ipinagkaloob ang liwanag sa gitna ng dilim. Hindi dapat pabayaan ang liwanag bagkus palaganapin ito ng lubos. Tunay ngang nabuhay si Kristo, na Siya ang liwanag sa dilim, ang pag-asa nating lahat. Amen.
Comments