top of page

Lithium orotate mabisang panlaban sa dementia

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 5 days ago
  • 2 min read

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | January 26, 2026



Sabi ni Doc Lithium orotate para sa may dementia na senior citezen

Photo File



Dear Doc Erwin, 

Maraming salamat sa patuloy ninyong paghahatid ng mga bagong pag-aaral tungkol sa kalusugan. Isa ako sa mga masugid na tagasubaybay ng Sabi ni Doc column at ng BULGAR newspaper.


Nais ko sanang magtanong tungkol sa supplement na Lithium orotate. Ano ba ang Lithium orotate at paano ito makakatulong laban sa dementia? Ano ang pinakabagong pag-aaral tungkol dito? May iba bang health benefits ang pag inom ng Lithium orotate? Safe ba na uminom ng regular ng Lithium orotate?


— Francisco


 

​​​​​​Maraming Salamat Francisco sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at pagbabasa ng BULGAR newspaper. 

 

Ang lithium orotate ay isang uri ng trace mineral na lithium na itinuturing na nutraceutical o low-dose, over-the-counter dietary supplement. Karaniwan itong ginagamit upang makatulong sa mood balance at brain health.


Sa isang pag-aaral na isinagawa ng Harvard Medical School at inilathala sa scientific journal na Nature noong Setyembre 2025, natuklasan ng mga siyentista sa pangunguna ni Dr. Liviu Aron ng Department of Genetics na ang kakulangan sa lithium ay maaaring maging salik sa pagkakaroon at paglala ng dementia, kabilang ang Alzheimer’s disease. Ayon sa pag-aaral, ang lithium supplementation ay maaaring makatulong upang maiwasan ang dementia o mapabagal ang paglala nito. Natukoy rin na ang lithium orotate ang isa sa mga mabisang anyo ng lithium para sa layuning ito.


Samantala, sa hiwalay na pag-aaral nina Dr. Lars Vedel Kessing at ng kanyang mga kasamahan mula sa University of Copenhagen, napag-alaman na sa mga lugar sa Denmark na may mas mataas na antas ng lithium sa drinking water, mas mababa ang panganib ng populasyon na magkaroon ng dementia.


Mayroon pa bang iba pang benepisyo sa kalusugan ang pag-inom ng low-dose lithium orotate? Ayon sa isang artikulo ng mga siyentista mula sa Brock University sa Ontario, Canada, na inilathala sa Current Neuropharmacology noong Marso 30, 2023, maraming posibleng benepisyo ang low-dose lithium. Batay sa pag-aaral nina Dr. Sophie Hamstra at ng kanyang mga kasamahan, ang low-dose lithium ay maaaring makatulong sa paglaban sa iba’t ibang kondisyon gaya ng cardiovascular disease, sarcopenia, osteoporosis, Alzheimer’s disease, obesity, at type 2 diabetes.


Dagdag pa rito, sa isang pag-aaral ng mga mananaliksik mula sa Institute of Psychiatry, Psychology & Neuroscience ng King’s College London sa United Kingdom, maraming umiinom ng low-dose lithium supplement ang nag-ulat ng positibong epekto nito sa pagpapabuti ng mood, pagbawas ng anxiety, at paghusay ng cognition. Ang resulta ng pag-aaral na ito ay nailathala sa Canadian Journal of Psychiatry noong Marso 28, 2025.


Kung ninanais ninyong uminom ng low-dose lithium orotate, makabubuting sumangguni muna sa inyong pinagkakatiwalaang doktor. Paalala na ang mga may sakit sa bato, mga buntis, at nagpapasuso ay hindi pinapayuhang uminom ng ganitong uri ng supplement.


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page