top of page

Literacy, mahalagang pundasyon sa edukasyon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 11, 2025
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 11, 2025



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Nitong nakaraang Lunes, September 8, ay ipinagdiwang natin ang International Literacy Day. Sa pagdiriwang natin ng okasyong ito, binibigyang-diin natin ang kahalagahan ng literacy upang magkaroon ang ating mga kababayan ng matatag na pundasyon sa kanilang edukasyon. 


Ayon sa 2024 Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMMS), pito sa 10 nating mga kababayang may edad 10 hanggang 64 ang maituturing na functionally literate. Ibig sabihin, may kakayahan silang bumasa, umunawa, at mag-compute. 

Ayon sa Philippine Statistical Authority, katumbas ito ng 24.83 milyon na mga Pilipinong itinuturing na functionally literate. 


Ngunit para sa inyong lingkod, kailangang tiyakin nating hindi mapag-iiwanan ang tatlo sa 10 na  hindi pa nakakamit ang functional literacy. Paano natin magagawa ito? Narito ang ilan sa mga hakbang na ating isinusulong. 


Una, patuloy nating itataguyod ang epektibong pagpapatupad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program Act. Mandato ng batas ang implementasyon ng mga libreng tutorial para tulungan ang mga mag-aaral na nahihirapan sa reading, mathematics, at science. Saklaw ng batas na ito ang mga mag-aaral mula Grade 1 hanggang Grade 10. Para naman sa mga mag-aaral ng Kindergarten, tututukan ang kanilang literacy at numeracy. 


Isinusulong din natin ang mas aktibong pakikilahok ng mga local government units (LGUs) sa pag-angat ng literacy sa ating bansa. Noong nagbukas ang 20th Congress, inihain natin ang National Literacy Council Act upang paigtingin ang pakikilahok ng mga LGUs sa pag-angat ng literacy. Sa ilalim ng naturang panukala, ang mga local school board ang magsisilbing de facto local literacy council. 


Ngunit kailangan din nating suportahan ang ating mga LGUs. Halimbawa, dapat nating tiyakin na meron silang wasto at sapat na datos upang magabayan ang kanilang mga programa para sa literacy. 


Isa rin sa ating mga inirerekomenda ang maigting na pagpapatupad ng Alternative Learning System (ALS). Para sa mga out-of-school children in special cases at mga nakatatandang mag-aaral na hindi nakapagtapos, nagbibigay ng pangalawang pagkakataon ang ALS upang magkaroon sila ng edukasyon. Isa rin sa mga layunin ng ALS ang pagkamit ng basic at functional literacy para sa mga kababayan. 


Ilan lamang ito sa ating mga panukala upang maiangat ang literacy sa ating bansa. Bilang Chairman ng Senate Committee on Finance, patuloy na isinusulong ng inyong lingkod ang pagbibigay ng prayoridad sa edukasyon, kabilang ang mga programa sa literacy, para sa 2026 national budget.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page