Lisensya para sa mga konduktor ng bus
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 12, 2022
Dear PAO,
Ang kapatid ko ay kabilang sa mga nawalan ng trabaho nang magsimula ang pandemya. Dahil dito ay sinubukan niyang maghanap ng trabaho para sa kanyang pangkabuhayan. May nahanap siyang kompanya ng bus na tumatanggap ng mga aplikante sa pagiging konduktor. Nagsumite siya ng kanyang mga dokumento para makapasok dito. Sinabihan siya na kailangan niyang makakuha ng lisensya na pang-konduktor. Nalilito kami dahil hindi namin alam na mayroon palang lisensyang pang-konduktor. Dahil dito ay nais naming ipagtanong kung paano at ano ang mga kinakailangan para makakuha ng lisensyang pang-konduktor. May hangganan din ba ang bisa ng mga ganitong klase ng lisensya? Sana po ay magabayan ninyo kami. Kami ay lubos na nagpapasalamat sa inyong tanggapan. - Kevin
Dear Kevin,
Kaugnay sa iyong katanungan, ang Department of Transportation ay naglabas ng Supplemental Implementing Rules and Regulations ng Republic Act No. 10930 (RA 10930). Kabilang sa mga inilalahad ng regulasyon na ito ang mga panuntunan at hakbang tungkol sa pagkuha ng lisensya para sa mga konduktor.
Sa ilalim ng batas na ito, ang lisensyang pang-konduktor ay iginagawad ng Land Transportation Office (LTO) sa mga kuwalipikadong tao na itinalaga para tumulong sa mga nagmamaneho ng mga pampublikong sasakyan para sa pagkuha ng pamasahe at paninigurado sa kaligtasan ng mga pasahero at sa kanilang mga bagahe habang ito ay tumatakbo. (Sec. 2)
Upang makakuha ng lisensyang pang-konduktor, itinatakda ng nabanggit na regulasyon na ang mga sumusunod na katangian at kuwalipikasyon:
Must be at least eighteen (18) years old;
Must be physically and mentally fit to work and no contagious disease;
Must be able to read and write in Filipino, English, or any major dialect;
Must have passed the theoretical examination - New CL and those not renewed for more than two (2) years from the expiry date;
Must not have unsettled traffic violation; and
Must have attended and passed the Conductor's Theoretical Course from LTO Driver's Education Center, or LTO accredited Driving School / LTO Accredited TESDA Training Center. (Sec. 6)
Maliban sa mga nabanggit, kinakailangan din na magsumite sa LTO ang mga nagnanais makakuha ng lisensyang pang-konduktor ng mga sumusunod na dokumento:
Duly accomplished Application for Permits and Licenses (APL) Form
Electronically transmitted medical certificate from LTO accredited medical clinic. Submission of one (1) photocopy and presentation of original medical certificate
Presentation of the original and submission of one (1) photocopy of any of the following: a. PSA Certificate of Birth b. Philippine Identification Card c. Passport d. PSA Certificate of Marriage for married women
Taxpayer's Identification Number (TIN) (Id.)
Patungkol naman sa hangganan ng bisa ng lisensyang pang-konduktor, itinatakda ng batas na ang mga ganitong lisensya ay may bisa sa loob ng limang taon para sa mga bagong lisensya, habang ang pagpapanibago o renewal ng lisensyang pang-konduktor ay magkakaroon ng bisa na tatagal ng 10-taon kung walang paglabag sa batas pang trapiko o limang taon naman kung may mga nilabag na batas trapiko. (Sec. 7)
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.





Comments