Lisensiyadong dentista at medical technologist, payagang magturok ng bakuna
- BULGAR
- May 27, 2021
- 2 min read
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | May 27, 2021
Dahil inaasahan na ang pagdagsa ng mga bakuna kontra-COVID-19 sa mga susunod na buwan, kinakailangan ng mas marami pang healthcare workers na makilahok sa programa ng pagbakuna sa mga kababayan natin.
Kaugnay nito, naghain tayo ng panukalang batas na naglalayong amyendahan ang RA No. 11525 o ang COVID-19 Vaccination Program Act of 2021.
Simple lang ang nais nating amyendahan.
Gusto lang nating idagdag ang mga lisensiyadong dentista at medical technologist sa mga hanay ng maaaring magturok ng bakuna.
Sa kasalukuyan, mga doktor, nurse, midwife, at pharmacist lamang ang puwedeng mamahagi ng mga bakuna.
Kung mas marami tayong HCWs na maaaring magturok, mapapadali at mapapalawak ang rollout ng bakuna.
☻☻☻
Apat na taon na ang nakalipas mula noong Marawi Siege.
Ngunit hanggang ngayon, “pending” pa rin ang rehabilitasyon ng Marawi, at marami sa mga kababayan nating napilitang lumikas ang nagsusumamo na makabalik na sa lungsod.
Ayon kay housing czar at Task Force Bangon Marawi chief Eduardo del Rosario, target nilang matapos ang rehabilitasyon ng Disyembre ngayong taon.
Sama-sama tayong umasa at magdasal na maabot nila ang target na ito. Bukod pa rito, sama-sama rin tayong maningil ng pananagutan upang masigurong kumikilos nga ang mga dapat kumilos para sa layunin ng muling pagbangon ng Marawi.
☻☻☻
Hindi naman na siguro natin kailangan ng “Pridyider Czar” para lang ma-monitor kung maayos ang pag-imbak ng mga bakuna.
Kailangan lamang tumatak sa lahat na SOP ang checking at counter-checking sa bawat yugto ng proseso.
Umaasa tayong susuriin ng DOH ang isyung ito nang hindi na maulit, lalo pa’t inaasahang daragsa ang mga bakuna sa mga darating na buwan.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay





Comments