top of page

Limitasyon sa paggamit ng barya bilang pambayad

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 26, 2021
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | July 26, 2021



Dear Chief Acosta,

Delivery rider ang asawa ko sa isa sa mga kilalang mobile applications sa ngayon. Madalas siya ay binabayaran ng barya dahil karaniwan ay mayroong butal ang presyo ng pagpapadala sa kanila. Itinatabi lamang niya ‘yun. Nang bilangin namin ay umabot na ng humigit-kumulang P10, 000. Maaari ba namin iyong gamitin upang ipambili sa mga groceries? – Jema


Dear Jema,

Sa pangkalahatan, ang pera na ipinalabas ng Banko Sentral ng Pilipinas (BSP), maging ito man ay perang papel (bills) o barya (coins) ay kinokonsidera na legal tender. Dahil dito, maaaring gamitin ang naturang mga pera sa pagbabayad. Para sa kaalaman ng lahat, malinaw na nakasaad sa Republic Act (R.A) No. 7653, o mas kilala bilang The New Central Bank Act, na naamyendahan ng R. A. No. 11211 ang sumusunod:


Section 52. Legal Tender Power. - All notes and coins issued by the Bangko Sentral shall be fully guaranteed by the Government of the Republic of the Philippines and shall be legal tender in the Philippines for all debts, both public and private: x x x.”


Bagama’t walang limitasyon ang paggamit ng bills sa pamimili o pagbabayad, mayroon namang itinakdang limitasyon sa paggamit ng coins sa pamimili o pagbabayad. Ito ay alinsunod sa BSP Circular No. 537, Series of 2006 na nagsasaad ng sumusunod:


“Pursuant to Section 52 of Republic Act No. 7653 and Monetary Board Resolution No. 862 dated 6 July 2006, the maximum amount of coins to be considered as legal tender is adjusted as follows:


1. One thousand pesos (P1,000) for denominations of 1-Piso, 5-piso and 10-piso coins; and

2. One hundred pesos (P100) for denominations of 1-sentimo, 5-sentimo, 10-sentimo, and 25-sentimo coins.”


Kung kaya’t mainam kung kayo ay gagamit ng barya bilang pambayad sa inyong bibilhing pagkain o gamit ay limitahan ninyo lamang sa mga halagang nabanggit. Kung higit doon ang kabuuan na inyong kailangan bayaran ay mangyari na gumamit ng bills nang sa gayun ay hindi kayo tanggihan ng kahera o pamunuan ng pamilihan at para na rin hindi magkaproblema o maantala ang inyong pamimili.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page