Lim at Galit, bida sa Aces ng NBL at WNBL
- BULGAR
- Oct 17, 2021
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio - @Sports | October 17, 2021

Parehong nagtala ng panalo ang mga koponan ng Paranaque Lady Aces and Paranaque Aces kontra sa mga katapat na STAN Quezon Lady Spartan at STAN District 4 Spartan sa pagpapatuloy ng pinagsabay na Women’s National Basketball League (WNBL) 2021 at Chook’s To Go National Basketball League (NBL) Chairman’s Cup 2021 kahapon sa Bren Z. Guiao Convention Center ng San Fernando, Pampanga. Nanatiling perpekto sa 4-0 ang numero unong Lady Aces habang winakasan ng Aces ang apat na sunod na pagkatalo para sa kartadang 1-4.
Binuhat muli ni Allana Lim ang Lady Aces sa 68-48 tagumpay sa Lady Spartans matapos magsabog ng 18 puntos at humakot ng 18 rebound bilang reserba. Tabla ang laban, 7-7, bago unang ipinasok si Lim at mula roon ay umarangkada ang Paranaque.
Hinigpitan ng Lady Aces ang depensa at isang free throw lang ang naipasok ng Lady Spartan sa unang limang minuto ng second quarter para lumamang, 20-12. Ang huling iskor ay siya ring pinakamalaking agwat ng dalawang koponan.
Kumuha ng tulong si Lim kay Jenina Solis na may 8 puntos at Khris Tolentino at Jhenn Angeles na may tig-6 na puntos. Hindi naglaro si Khrystine Duran sa Lady Spartan at sinikap takpan ang kanyang pagliban nina Chicky Faraon na may 12 puntos at Jade Valenzuela na may 9 na puntos.
Sa sumunod na laro, ibinuhos ng Aces ang sama ng loob buhat sa apat na talo sa Spartan, 113-59. Umabot ang lamang ng 58 puntos, 111-53, at 1:03 ang nalalabi sa huling quarter. Gumawa agad si JR Galit ng siyam na puntos simula sa tres na umagaw sa lamang, 7-6, hanggang lumayo ang Aces, 21-11, at hindi na binitawan ito. Nagtapos si Galit na may 20 puntos at sinundan ni point guard JR Olegario na may 17 puntos.





Comments