Lillard, sumiklab sa T'Blazers, Warriors, nilusaw ang Wizards
- BULGAR
- Feb 15, 2023
- 1 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | February 15, 2023

Sumakay ang Portland Trail Blazers sa mainit na shooting ni All-Star Damian Lillard upang pabagsakin ang bisitang Los Angeles Lakers, 127-115, sa pagpapatuloy ng NBA kahapon sa Moda Center.
Napigil din ng World Champion Golden State Warriors ang bisitang Washington Wizards, 135-126, para manatili sa Top 10 ng mahigpit na Western Conference.
Pumasok si Lillard sa laro na ika-apat sa liga sa puntusan na 31.0 sa 44 laro at sa first half pa lang ay nagtala na siya ng 30 upang itulak ang Blazers sa 65-46 lamang. Umabot ng 101-74 ang agwat bago matapos ang 3rd quarter at sapat na iyon para umangat ang Portland sa 28-29 habang bumaba ang Lakers sa 26-32.
Nagtapos si Lillard na may 40 puntos mula sa walong three-points. Hindi pa rin naglalaro si LeBron James buhat noong naging numero uno sa puntos sa kasaysayan ng NBA dahil masakit ang paa at nanguna sa Lakers ang bagong kakamping si Malik Beasley na may 22 puntos bilang reserba.
Mahalaga ang lahat na mapipiga na panalo ng Warriors habang nagpapagaling ng pilay si Stephen Curry at nagsanib-puwersa sina Andrew Wiggins na may 29 at Klay Thompson na may 27 puntos para umakyat ang mga kampeon sa 29-28. Susuriin si Curry pagkatapos ng All-Star subalit walang linaw kung kailan talaga siya babalik.
Samantala, umarangkada sa second half ang numero uno ng West Denver Nuggets upang talunin ang Miami Heat, 112-108. Nagtrabaho si MVP Nikola Jokic para sa 27 puntos at 12 rebound upang takpan ang sabay pagliban nina Jamal Murray at Aaron Gordon.





Comments