Lillard iwinagayway ang banner ng Bucks vs Kings
- BULGAR

- Jan 15, 2024
- 2 min read
ni Anthony Servinio @Sports | January 15, 2024

Photo: Screen grabbed from Milwaukee Bucks / Facebook
Pumukol ng three-points si Damian Lillard na may dalawang segundong nalalabi upang ihatid sa Milwaukee Bucks ang 143-142 panalo kontra Sacramento Kings sa NBA kahapon mula sa Fiserv Forum. Nagtala rin ng hiwalay na mahalagang resulta ang numero uno ng West Minnesota Timberwolves at World Champion Denver Nuggets.
Nagtapos na may siyam ng kanyang kabuuang 29 puntos sa overtime si Lillard. Nagtapos ang fourth quarter sa 128-128 matapos ang free throw ni De’Aaron Fox na nanguna sa Kings na may 32.
Sinapawan ng pagbayani ni Lillard ang matinding palitan buong laro nina Giannis Antetokoumpo at Domantas Sabonis na parehong nagtala ng triple double. Nagsumite si Giannis ng 27 puntos, 10 rebound at 10 assist kumpara sa 21, 13 at 15 ni Sabonis.
Balik sa taas ng West ang Timberwolves sa bisa ng 109-105 panalo sa LA Clippers salamat sa 22 ng 33 ni Anthony Edwards sa second half. Saglit lumamang ang Clippers, 45-44, subalit naka-shoot si Edwards bago magsara ang first half at hindi na nila binitawan ito, 46-45.
Tiniyak ng Denver na manatiling malapit sa paghabol sa Minnesota at tinalo ang Indiana Pacers, 117-109. Parehong nag-ambag ng tig-25 sina Nikola Jokic, Jamal Murray at Michael Porter Jr. para umangat sa 28-13 at pangatlo sa West sa likod ng Timberwolves (28-11) at Oklahoma City Thunder (27-11).
Uminit para sa 34 si Devin Booker at itulak ang Phoenix Suns laban sa Portland Trail Blazers, 127-116. Patuloy na ipinamalas ng Suns ang kanilang kakayahan kapag magkakasama at malusog sina Booker at Bradley Beal at Kevin Durant na nagtala ng 23 at 21.
Samantala, tinambakan ng Miami Heat ang Charlotte Hornets, 104-87, kasabay ng gabi ng parangal para sa alamat na si Dwyane Wade. Inihayag ng Heat na magpapatayo sila ng rebultong tanso ni Wade sa labas ng Kaseya Center bilang pagkilala sa kanyang mahabang karera na nagbunga ng tatlong kampeonato.








Comments